Nanawagan kahapon si Negros Oriental Rep. Arnie Teves kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa agarang pag-aksyon nito tungkol umano sa biglaang pagtaas ng kasong pagpatay sa kanyang probensya, ang isa dito ay na-involved ang kanyang personal driver.
“Ako ay umaapela sa ating Presidente, President BMM, na kung maari ay pakitingnan nyo po ang patuloy na pagtaas ng krimen sa aking probensya, at sa ating National Bureau of Investigation (NBI) na paki imbestigahan po ninyo ang mga kasong ito,” sabi ni Teves.
Noong Lunes, bandang 2:30 p.m., tinambangan at pinagbabaril ng riding in tandem ang driver ni Teves na si Juvanie Catubay sa kahabaan ng Barangay Caigangan, Sta. Catalina, Negros Oriental.
Ang mga suspect ay armado ng M16 rifle at .45 caliber pistol.
Siniguro ng mga salarin na patay na si Catubay bago sila tumakas dahil pinagbabaril pa nila ito sa ulo, ayon sa mga saksi.
“Labis akong nagtataka kung bakit ang isang sibilyan na nakamotorsiklo at may daladalang Armalite ay hindi nasita ng ating mga kapulisan. Hindi nila nakita in a broad daylight,” dagdag pa ni Teves.
Nanawagan din si Teves kay Department of the Interior Secretary Benhur Abalos na kung maari ay mapaimbestigahan din nya ang magkasunod na kasong pagpatay sa Negros Oriental.
Sinabi ni Teves na mayroon na silang apat na “persons of interest” sa pagbaril ng kanyang driver, isa umano dito ay ex-Army.
Ang kanilang “planner,” na nakilala sa alyas na Jade, ay involved rin umano sa murder ng isang Rex Cornellio kamakailan.
Ayon kay Teves, ang kanyang kaibigan sa Bayawan City, karatig na lugar ng Sta. Catalina, ay pinatay rin isang araw matapus likidahin si Catubay.
Mayroong P1-million reward sa sino mang maaring makapag-identify sa mga suspect na magresulta sa pagkaaresto ng mga ito.
“Kami ay umaapela, kasama ang pamilya ng pinaslang kung tauhan, ng kaagarang hustisya at patas na pagtrato sa kasong ito,” dagdag pa ni Teves.
