BILYON-BILYONG SIGARILYO SA BODEGA NG BOC PINAIIMBENTARYO

PINAIIMBENTARYO ng chairman ng House committee on ways and means ang bilyon-bilyong pisong halaga ng sigarilyo na nasa storage facilities ng Bureau of Customs (BOC).

Tugon ito ni Albay Rep. Joey Salceda kaugnay sa pagkakahuli ng National Bureau of Investigation (NBI) sa tangkang pagbebenta sa nakumpiskang sigarilyo na naghahalaga ng P270 million.

“There are billions’ worth of smuggled or illicit cigarettes in government storages,” ani Salceda kaya inatasan nito ang BOC at Bureau of Internal Revenue (BIR) na magsagawa ng imbentaryo sa lalong madaling panahon.

Bukod sa sigarilyo, marami pa aniyang klase ng kontrabando na nahuli at nakumpiska ng BOC ang nasa storage facilities.

“For now, transparency in the government’s store of seized goods will help prevent future incidents,” ani Salceda.

Magugunita na nadiskaril ang tangkang pagbebenta sa nasabing kontrabando matapos magpanggap na buyer ang mga tauhan ng NBI sa sigarilyo na binebenta online sa Capas, Tarlac kamakailan.

Dito nalaman na ang sigarilyo ay bahagi ng smuggled na nakumpiska ng BOC kung saan base sa mga report ay may dalawang empleyado umano ng ahensya ang sangkot dito.

Dahil dito, sinabi ni Salceda na kinakailangang maipasa na ang House Bill (HB) 11286, or the Anti-Illicit Tobacco Trade Act, upang agad sirain ang mga smuggled na sigarilyo upang hindi na ito maibenta muli ng mga tiwali sa BOC.

“As a matter of law, it does not make sense that the government has large quantities of smuggled products in storage for evidence. I proposed the immediate destruction of all seized tobacco products, except a small amount retained for evidentiary purposes. This will decisively stop the practice of selling large volumes of seized smuggled tobacco,” ayon pa sa mambabatas. (PRIMITIVO MAKILING)

79

Related posts

Leave a Comment