Solon sa pagkaantala ng impeachment vs VP Sara BABAHA NG FAKE NEWS

IGINIIT ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan na dapat nang simulan ang impeachment trial kay Vice President Sara Duterte-Carpio dahil kung hindi ay malulunod umano ang bansa sa fake news.

Ito ang hinayag ni Taguig representative Amparo Maria Zamora sa kanyang panawagan dahil habang nadi-delay umano ang paglilitis sa bise presidente ay palala-ng-palala at parami-ng-parami ang ikinakalat na maling impormasyon ng mga Duterte.

“Kailangang simulan na ang impeachment trial bago pa malunod ang bansa sa baha ng fake news ng mga Duterte,” wika ni Zamora.

Kabilang umano sa bagong fake news ay ang banta ni dating pangulong Rodrigo Duterte na posibleng gayahin ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang kanyang diktador na ama na si dating pangulong Ferdinand Marcos Sr., na nagdeklara ng martial law para hindi na bumaba sa puwesto.

Bukod dito, may alegasyon din ang dating pangulong Duterte na ibinenta umano ni Marcos Jr. ang gold reserve ng Pilipinas nang hindi alam ng sambayanang Pilipino, bagay namang pinabulaanan ng Malacañang.

Naniniwala si Zamora na taktika ito ng mga Duterte upang pagtakpan ang mas malalaking isyu tulad ng paglustay ng kanyang anak na si VP Sara sa ₱612.5 milyong intelligence funds, pagbabanta sa buhay ni Pangulo Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at gayun din ang tagong-yaman ng mga Marcos at iba pang isyu.

“The impeachment trial is the proper venue to address these serious allegations. Para magkaalaman na kung sino talaga ang nagsasabi ng totoo,” giit pa ni Zamora para
ipaliwanag na ang impeachment ay hindi simpleng laban sa isang tao kundi “laban ng integridad ng ating demokrasya” dahil karapatan ng sambayanan na malaman ang katotohanan.

Unang sinabi ng Senado na hindi sila hihiling ng special session para masimulan ang paglilitis bagkus ay posibleng masimulan ang impeachment trial pagkatapos ng State of the Nation Address (SoNA) ng Pangulo sa Hulyo ngayong taon. (PRIMITIVO MAKILING)

63

Related posts

Leave a Comment