UMAKYAT na sa 27 ang bilang ng iniulat na nasawi bunsod ng pananalasa ng Super Typhoon Uwan habang nasa 36 naman ng reported injured, karamihan ay dahil sa nangyaring landslides, ayon sa ibinahaging datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Miyerkoles ng umaga.
Naniniwala si Office of Civil Defense Deputy Administrator Asec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV, hindi na gaanong madaragdagan ang bilang ng mga nasawi bunsod ng ulat na may dalawa na lamang na nawawala sa area ng Cordillera Administrative Region.
“… pero hindi kasing dami dun sa Tino, more or less, ito na siguro, I hope ha. hindi na, ako personally I don’t expect na ano ito, magdoble, kung may dagdag man baka 10, maximum na ‘yung 10, tantiya ko lang,” ani Alejandro.
Ayon kay Alejandro, karamihan ng casualties ay nagmula sa CAR, tatlo rito ay mula sa Mountain Province, tatlo rin sa Kalinga, apat naman sa Benguet, at Siyam sa Ifugao.
Tatlo ang iniulat na nasawi sa Region 2 partikular sa Nueva Vizcaya; isa naman sa Catanduanes sakop ng Region 5, isa rin sa Capiz, Region 6; sa Samar sa Region 7 ay may naitalang isa, habang isa rin sa Sulu, Region 9; at isa na inaalam pa ang pinagmulan.
Samantala sa record ng NDRRMC, nasa 4,450,846 katao ang naapektuhan ng Typhoon Uwan (international name: Fung-Wong) o 1,263,181 pamilya.
Ayon sa NDRRMC, sa nasabing bilang ng apektadong indibidwal mula 11,137 barangays sa 16 regions, ay 1,027,670 katao ang lumikas o puwersahang inilikas.
Umabot sa 707,472 katao ang dinala sa 9,819 evacuation centers, habang nasa 320,198 evacuees ang piniling manirahan pansamantala sa labas ng evacuation centers.
(JESSE KABEL)
14
