(Ni JOEL O. AMONGO)
Isinailalim sa surprise random drug test ang mga empleyado at opisyales ng Bureau of Customs (BOC) noong nakaraang Lunes ng umaga pagkatapos ng kanilang flag raising ceremony sa Port Area, Manila.
Ang isinagawang surprise drug test ay bilang pagtupad na rin sa kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na tuluyan nang masugpo ang illegal drugs sa mga ahensya ng pamahalaan tulad ng BOC.
Inisyatibo na rin ito ng tanggapan ni BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero sa hangaring maging drug-free workplace ang ahensya.
Kabilang sa nakipagtulungan sa nasabing isinagawang drug-testing ay ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Tumulong din ang CIIS at CAIDTF sa chemist mula sa PDEA para kolektahin ang mga urine samples mula sa mga empleyado na nakatalaga sa Office of the Commissioner, Port of Manila (POM) at Manila International Container Port (MICP).
Ayon kay Deputy Commissioner Raniel Ramiro ng Intelligence Group, isinagawa ang drug test bilang pagtalima sa Dangerous Drugs Board (DDB) Regulation No. 13, Series of 2018 na naglalayong tiyaking maging drug-free workplace policies ang lahat ng opisina ng gobyerno.
Ang sinumang opisyal at empleyado na tatangging magpa-drug test na walang dahilan ay iisyuhan ng show cause order mula sa tanggapan ng commissioner habang ang sinumang magpositibo sa paggamit ng droga matapos ang inisyal na pagsusuri ay isasailalim pa sa confirmatory drug test.
