PATULOY na tinutugis ng mga awtoridad ang puganteng dating vice mayor ng Maimbung, Sulu na nakatakas sa ikinasang law enforcement operation na ikinasawi ng isang pulis at ikinasugat ng siyam na iba pa kamakalawa ng umaga.
Sa ibinahaging ulat ni Armed Forces of the Philippine chief of staff General Andres Centino, sinabi nitong walo sa mga miyembro ng PNP ang nasugatan at isa ang nasawi habang isang sundalo mula sa 41st IB ang isa pang sugatan.
Paglilinaw ni General Centino, “We would like to correct the impression, it’s not an encounter it’s a serving of a warrant, a law enforcement operation.”
Sinasabing isang Law Enforcement Support Operations ng Army 41st Infantry Battalion ang isinagawa para suportahan ang PNP- CIDG 9 at 7th Special Action Battalion ng PNP kamakalawa ng umaga sa Barangay Bualo Lipid, Maimbung, Sulu at pakay nito si ex-vice mayor Pando Mudjasan, alyas Pando na isang MNLF commander.
Nakatakas si Pando sa kasagsagan ng putukan.
(JESSE KABEL RUIZ)
