IGINIIT ng ilang insider sa Senado na ang mga timestamped photos, videos at group conversations ang nagsisilbing ebidensya na walang kaalaman ang bagong mayorya sa naganap na putukan sa Senado at wala umanong “scripted” na pangyayari.
Ayon sa kanila, batay sa mga lumabas na larawan, makikitang masayang naghahapunan at nagkakasiyahan pa ang mga senador bago ang insidente, taliwas umano sa mga ulat na kuha ang mga ito matapos ang putukan.
Sinabi rin na matapos makarinig ng putok ng baril ay nag-alala, kinabahan at natakot umano ang mga senador dahil malapit lamang ang kanilang mga tanggapan sa pinangyarihan ng insidente.
Patunay umano rito ang ginawang Facebook Live ni Senate President Alan Peter Cayetano at ang paghingi nito ng saklolo habang nagaganap ang kaguluhan sa Senado.
Ayon pa sa kanila, bago nangumusta ang ilang miyembro ng bagong minorya, una munang nag-post sa group chat si Sen. Camille Villar upang tiyakin na ligtas ang mga senador sa loob ng Senado.
Iginiit din nila na walang senador o sinumang tao ang kusang magsasapanganib ng sariling buhay para lamang sa isang umano’y scripted na insidente.
Binanggit din nila ang panganib na hinarap ng mga empleyado ng Senado at mga miyembro ng media na nanatili sa loob ng gusali habang nagpapatuloy ang caucus ng bagong mayorya at hinihintay ang articles of impeachment mula sa Kamara de Representantes.
Ayon pa sa kanila, hindi biro ang trauma na dulot nang makarinig ng putok ng baril lalo na sa mga taong hindi sanay sa ganitong sitwasyon.
Nanawagan din sila sa publiko na maging sensitibo sa pagbibigay ng pahayag hinggil sa insidente dahil marami umano ang naapektuhan at na-trauma sa nangyari.
79 