(SK Chairperson Leonora Belle Aro)
INILUNSAD ng Sangguniang Kabataan ng Matandang Balara (SKMB) sa Quezon City ang isang transparency portal na naglalaman ng detalye ng kanilang budget allocation at mga gastusin upang masubaybayan ng publiko ang paggamit ng pondo anumang oras.
Ang portal na tinawag na “Budget ng Kabataan: SKMB Transparency Portal: Buwis Mo, Bukas sa Publiko” ay ipinakilala sa isinagawang State of the Youth Address (SOYA) ng SKMB noong Setyembre 19 sa harap ng daan-daang kabataan ng barangay.
Ayon kay SKMB Chairperson Marie Leonora Belle Aro, bahagi ito ng kanilang hakbang upang maisulong ang transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng taumbayan.
“Ang portal na ito ay tugon ng SK council sa pambansang panawagan para sa transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng taumbayan, sa gitna ng malalawak na iskandalo
ng korapsyon na yumanig sa bansa kamakailan,” pahayag ni Aro.
Sinabi ni Aro na tumatanggap ang SKMB ng taunang badyet na P11.4 milyon kaya nararapat lamang umanong maging responsable at accountable ang konseho sa paggamit nito, lalo na sa kanilang mga nasasakupan na kabataan.
Hango umano sa “People’s Budget Portal” ng Lungsod ng Naga ang inisyatiba ng SK Matandang Balara. Makikita sa portal ang mga proyekto, programa at aktibidad ng SKMB para sa 2024-2026, na siyang kasalukuyang termino ng namumunong SK.
Bukod sa budget allocation at paggamit ng pondo, makikita rin dito ang mga larawan ng proyekto, listahan ng mga benepisyaryo, mga ulat at performance indicators o sukatan ng pagganap.
“Bukas sa publiko ang portal ng SKMB upang maipakita ang transparency kung saan napupunta ang buwis na ibinabayad ng taong bayan,” dagdag ni Aro.
Kasama rin sa portal ang aplikasyon para sa SKMB Passbook, na magsisilbing insentibo sa pakikilahok ng kabataan sa iba’t ibang proyekto at aktibidad ng SK at kalaunan ay magiging mekanismo para sa paghahatid ng serbisyong medikal, pang-edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan.
Maaari ring mag-aplay ang mga kabataan ng barangay para sa mga kasalukuyang programa ng SKMB, kabilang ang scholarship, seminar, pagsasanay, paligsahan sa palakasan at mga aktibidad na pangkultura.
Ayon kay Aro, maaaring magsilbing modelo sa iba pang Sangguniang Kabataan ang kanilang transparency portal upang maging bukas sa publiko ang mga talaan ng pananalapi ng mga barangay at, kalaunan, maging ng iba pang ahensyang gumagamit ng pondo ng bayan.
(PAOLO SANTOS)
161 