KAMARA KIKILOS PARA PALAKASIN ANG SCHOOL SAFETY, KONTROL SA BARIL

NAGHAIN sina House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ng panukalang batas na naglalayong higpitan ang pagmamay-ari at ligtas na pag-iingat ng mga baril kasunod ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.

Layunin ng House Bill No. 11387 o Responsible Firearm Ownership and Safe Storage Act na pigilan ang mga menor de edad at iba pang hindi awtorisadong tao na magkaroon ng access sa mga baril.

Ayon kay Speaker Dy, bahagi ito ng mga agarang hakbang ng Kamara upang palakasin ang seguridad sa mga paaralan at maiwasan ang pag-uulit ng mga insidenteng may kaugnayan sa karahasan at baril.

“This latest tragedy reinforces our resolve to build safer and more caring schools for every Filipino child,” ani Dy.

Sinabi ni Dy na kailangang palakasin ang mga umiiral na batas at safeguards sa pagmamay-ari, pag-iingat at paggamit ng mga baril upang matiyak na hindi ito mapupunta sa kamay ng mga taong hindi dapat magkaroon ng access dito.

Nagpahayag din ng pakikiramay at pag-aalala si Dy sa mga estudyante, pamilya, guro at iba pang miyembro ng komunidad ng Banga National High School na naapektuhan ng insidente.

Ayon sa Speaker, hindi dapat ituring na hiwalay na insidente ang pamamaril dahil may iba pang mga kaso ng pamamaril na naganap sa loob o paligid ng mga paaralan nitong mga nakaraang buwan at kinasangkutan ng mga estudyante.

“Ito ay isang seryosong suliranin na kailangan nating tugunan kaagad,” ani Dy.

Gayunman, sinabi ni Dy na hindi sapat ang pagpapahigpit ng seguridad sa mga paaralan. Kailangan din umanong palakasin ang values formation, support systems at mga programang makatutulong sa pagtukoy ng mga senyales ng posibleng karahasan bago pa ito mangyari.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang palakasin ang mental health support para sa mga mag-aaral na nakararanas ng matinding problema, alitan, trauma o iba pang paghihirap.

Aniya, dapat magkaroon ang mga estudyante ng ligtas at madaling maabot na paraan upang makahingi ng tulong, habang kailangang matukoy ng mga paaralan ang mga warning sign at makapagbigay agad ng naaangkop na suporta.

Nanawagan din si Dy sa publiko na maging maingat sa pagbabahagi ng impormasyon habang patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente sa Banga.

Hiniling niya na huwag ikalat ang sensitibo o graphic na mga larawan at video ng insidente, gayundin ang mga kuwento at paratang na hindi pa beripikado.

Inulit din niya ang panawagan ng Department of Education (DepEd) na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon at mga video bilang paggalang sa mga biktima at kanilang mga pamilya.

Ayon kay Dy, dapat manatiling ligtas na lugar para sa mga bata ang mga paaralan, kung saan nareresolba ang mga alitan nang hindi gumagamit ng karahasan at alam ng mga estudyante na maaari silang humingi ng tulong.

Sinabi niyang makikipagtulungan ang Kongreso sa DepEd, mga paaralan, mga magulang at iba pang sektor upang maisulong ang mga hakbang para sa school safety, responsableng pagmamay-ari ng baril, mental health support at maagap na pagtugon sa mga batang maaaring nasa panganib.

“Hindi tayo titigil hangga’t hindi natin nagagawa ang lahat upang maiwasang maulit ang ganitong trahedya,” ani Dy.

(TINA MENDOZA)

61

Related posts

Leave a Comment