OFWs HINIKAYAT NA IKONSIDERA AGRIBUSINESS SA PAG-UWI

ITINUTURING ng Department of Agriculture (DA) ang agribusiness bilang potensyal na oportunidad sa pamumuhunan at kabuhayan para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na naghahandang umuwi sa Pilipinas, kasabay ng pagpapakilala sa kanila ng mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka.

Sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Service (DA-AMAS), nagsagawa ang DA ng Usapang Agribiz forum noong Setyembre 13 sa Alagang OWWA Serbisyo Caravan sa Marronnier Park sa Seoul, South Korea, na sinundan ng pagbisita sa mga teknolohiyang pangsakahan sa Wanju County noong Setyembre 14.

Pinangunahan ang aktibidad nina DA Assistant Secretary for Agribusiness, Marketing, and Consumer Affairs Genevieve E. Velicaria-Guevarra at OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan, kung saan binigyang-diin ang agrikultura bilang posibleng ikalawang career at oportunidad sa pamumuhunan para sa mga OFW.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na nais ng pamahalaan na makita ng mga OFW na naghahanda nang umuwi ang agrikultura hindi lamang bilang oportunidad sa negosyo kundi bilang paraan upang makatulong sa food security at nation building.

“Nais naming makita ng ating mga OFW na naghahanda nang umuwi na ang agrikultura ay hindi lamang isang negosyong maaari nilang itayo, kundi isang oportunidad na makatulong sa food security at nation building,” ani Tiu Laurel.

Ipinakilala rin sa forum ang mga programa ng pamahalaan para sa financing, training, market linkage at iba pang uri ng suporta.

Ayon kay Velicaria-Guevarra, hindi na limitado sa tradisyunal na pagsasaka ang agrikultura kundi isa na ring sektor na maaaring magbigay ng oportunidad sa entrepreneurship, investment at sustainable income para sa mga OFW.

Tinalakay naman ni Agricultural Credit Policy Council Executive Director Rallen Verdadero ang mga opsiyon sa pagpopondo, habang ipinakita ng Agricultural Training Institute ang mga oportunidad para sa capacity building at pagsasanay.

Lumagda rin ang DA at OWWA sa isang memorandum of agreement upang palakasin ang paghahatid ng mga programa at serbisyo sa agrikultura para sa mga OFW.

Sa Wanju, binisita ng delegasyon mula sa Pilipinas ang county agricultural technology center at isang strawberry smart farm na may walong Pilipinong seasonal worker mula sa Mina, Iloilo.

Nasa 278 Filipino seasonal workers mula sa anim na local government units sa Pilipinas ang nagtatrabaho sa Wanju.

Sinusuri rin ng DA kung maaaring makilahok ang mga kwalipikadong kabataang magsasaka sa mga technology-exposure program sa South Korea sa pamamagitan ng Young Farmers Challenge Program, katuwang ang Department of Migrant Workers at mga lokal na pamahalaan.

(PAOLO SANTOS)

45

Related posts

Leave a Comment