BATANGAS – Nalunod ang isang dalagang turista makaraang tangayin ng alon habang naliligo sa isang resort sa bayan ng Lian sa lalawigang ito noong Linggo ng umaga.
Kinilala ng Lian Police ang biktimang si Yukumi Diamante Aoyagi, 20, residente ng Pasig City.
Ayon sa report, kasama ng biktima ang tatlong binatang kaibigan at naliligo sa baybaying dagat ng Half Moon Village Resort sa Barangay San Diego nang mangyari ang trahedya bandang alas-10:00 ng umaga.
Bigla na lamang umanong tinangay ang apat ng malalaking alon patungo sa malalim na bahagi ng dagat.
Agad na sinagip ang mga ito ng mga staff ng resort at nailigtas sina Harvey Kyle Unso, 23, software engineer, at residente ng San Lorenzo Place, Makati City; John Redick Unso, 24, at Jerome Montecillo, 23, taga Caloocan City.
Dinala ang mga ito sa ospital at nasa mabuti nang kalagayan.
Isinugod din sa ospital si Aoyagi ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Ang mga biktima ay galing sa Metro Manila at nag-weekend outing lamang sa nasabing resort. (NILOU DEL CARMEN)
242 