NAKATANGGAP ng maraming reklamo ang PUNA mula sa mga estudyante sa junior at senior high school sa ilang mga pribadong paaralan matapos na simulan na ang kanilang klase nitong nakaraang Lunes.
Ang kanilang sumbong at reklamo ay ang usad pagong daw o sobrang bagal ng kanilang mga internet connection.
Sa unang araw ng klase nitong Setyembre a-7 ay hindi halos magkaintindihan ang mga guro at kanilang mga estudyante dahil putol-putol ang connection ng kanilang internet.
Kung hindi ang internet connection ng estudyante ang nawawala ay sa guro o vice-versa ang nagkaka-problema kaya hindi talaga sila magkaintindihan.
Bukod dito ay problema rin ng mga estudyante at ng kanilang mga magulang ang pagpapakabit ng kanilang wifi dahil kailangan pa nilang gumastos ng malaki para lamang magkaroon ng internet connection.
Pero magkaroon man ng internet connection ay sobrang bagal naman, gumastos lang sila pero wala man lang silang napakinabang sa isinagawang online class.
Siyempre kinakailangan din bumili ng mga gadget para magamit sa online class. Halimbawa nito ay ang smart phone, laptop o kaya electronic tablet at maging ng printing machine para sa computer.
Kung wala naman nang nasabing mga gadget ang estudyante ay hindi siya makakasama sa online class.
Inaasahan na lalo pang hihina ang internet connection kapag nagbukas na ang klase ng mga pampublikong paaralan sa darating na Oktubre dahil sabay-sabay nang gagamit ng internet ang mga estudyante lalo na dito sa National Capital Region (NCR.).
Pag nagkataon ay sayang lang ang nabiling mga gadget na hindi naman magagamit dahil sa mabagal na internet connection.
Tuloy sabi ng mga magulang estudyante sana hindi na lang itinuloy ang pagbubukas ng klase ngayong taon.
Wala rin namang kwenta dahil wala namang matututunan ang kanilang mga anak sa online class dahil sa problema sa signal ng internet.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng mga opisyal ng Department of Education (DepEd) kung gaano kabagal ang internet sa bansa. Bakit pa raw ipinagpilitan ang pagsasagawa ng online class?
Wala mang internet connection ang bawat pamilya ng estudyante ay kailangan pa niyang mag-load ng P50 araw-araw para maka-connect at makasali sa online class na wala rin namang pakinabang.
Minsan na nating binanggit sa ating kolum (PUNA) na hindi sana maging ‘trial and error’ ang gagawing online class ng DepEd.
Nagkakatotoo na nga ang ating sinabi dahil ngayon ay problemado ang estudyante sa mabagal na signal ng internet.
Hindi lang mga estudyante ang nakakaranas ng mabagal na signal ngayon kundi lahat ng mga gumagamit ng internet ay iisa ang kanilang hinaing, ang sobrang bagal ng koneksyon.
Siyempre apektado rin ang mga pampubliko at pribadong opisina dahil sila man ay gumagamit din ng internet.
Suhestiyon natin sa mga kinauukulan na gumawa sila ng hakbang kung papaanong mareresolba ang problema sa mahinang signal ng internet sa bansa.
Kung hindi nila maaayos ang problemang ito ay marami ang mapeperwisyo dahil halos lahat ng lahi ni Juan ay gumagamit ng internet.
Kahit 3rd world country ang Pilipinas ay nakaparaming gumagamit ng cell phone na umaasa ng maayos na signal ng internet.
Kawawa naman ang mga estudyante kung wala silang matutunan sa kanilang online class.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
268