MUKHANG sinusubukan ang tatag ng prinsipiyo ni Presidential Spokesman Harry Roque. Hanggang saan at hanggang kailan siya magtatagal bilang tagapagsalita ng Pangulo.
Ang pinakabagong pagsubok sa prinsipyo ng batikang abogado ay ang ibinigay na absolute pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pumatay sa kaniyang kliyente na si Jennifer Laude.
Noong kasagsagan ng Jennifer Laude story laging umeeksena sa media si Atty. Roque. Mayroon pa ngang eksena noon na tinangka niyang akyatin ang bakod ng Camp Aguinaldo dahil tutol siya na makulong doon ang akusadong si Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton.
Nagtagumpay naman siya na masentensyahan si Pemberton at doon na nagwakas ang storya kaya nang tumakbo siya bilang kinatawan ng Kabayan Partylist noong 2016 ay nanalo naman siya at naging congressman.
Hindi ko alam kung nakatulong ang pagiging abogado niya sa pamilya Laude pero nagkaroon ng dalawang upuan ang kaniyang partido. Yun nga lang inalis siya sa partido kaya sumama na lang siya kay Duterte at naging Spokesman.
Nangarap siyang maging senador pero tinabla siya ni Pangulong Duterte dahil hindi raw siya mananalo at galit daw sa kanya ang military kaya umatras ang mama sa senatorial race.
Nagpahinga ng sandali at naging abogado ng mga whistleblower ng WellMed na sangkot umano sa dialysis scam sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) at sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic muli siyang itinalagang presidential spokesman.
Unang pagsubok sa prinsipiyo ni Atty. Roque ang pagtabla sa kanya ni Duterte sa kanyang pangarap maging senador at panibagong pagsubok naman itong absolute pardon ng Pangulo sa pumatay sa kanyang kliyente.
Ang tanong, magre-resign ba si Atty dahil parang nasasagaan na ang kanyang prinsipiyo at baka pagkatapos ng administrasyong ito ay wala na siyang mukhang ihaharap sa taumbayan? Tingnan natin.
May kultura kasi ang mga Filipino na mas mahalaga ang prinsipiyo at pagkatao kesa anumang posisyon sa gobyerno at anumang yaman sa mundo. Karaniwang bilin sa atin ng mga magulang noong bata pa tayo na “pangalagaan mo ang pangalan ng pamilya natin”.
Alam kong maraming government official ang walang pakialam sa reputasyon ng kanilang pamilya lalo na yung nasasangkot sa katiwalian. Kung baga, sila ang sumisira at sumisira sa pangalang inalagaan ng kaniyang angkan.
Mas importante kasi sa kanila na yumaman sa maling paraan kesa sa pangalagaan ang reputasyon ng kanilang angkan kaya nga kapag may nasasangkot na katiwalian at tatanungin mo ang kilala mo kung kaano-ano niya yung corrupt official na ‘yun sasabihin sa iyo na ‘kaapelyido lang” pero sa totoo kaanak niya.
Hindi ko masisisi ang mga nagtatatwa sa mga corrupt officials dahil ibig sabihin nahihiya sila sa katiwalian ng kanilang kaanak dahil sinira niya ang pangalan at reputasyon ng kanilang pamilya.
Sa kaso ni Atty. Roque, hindi naman siya corrupt kundi mahilig lang talaga siya sa media exposure, pangalan at reputasyon din ang nakataya sa kanya habang nananatili siya sa gobyerno.
Kung mahalaga pa kay Atty. Roque ang kanyang pangalan, asahan natin na magre-resign na siya pero kung ayaw niyang mag-resign, choice niya ‘yun na dapat igalang.
162
