HINIHIKAYAT ni Deputy Speaker at Las Piñas Representative Camille Villar ang mga Pilipino na magtanim ng pansarili upang labanan ang hindi mapigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at kasagutan sa kakulangan ng pagkain dahil sa epekto ng pamdemya.
Ayon kay Rep. Villar, mas tumaas ang interes ng publiko sa urban agriculture o kilala ring urban farming, indoor farming, home o backyard gardening at vertical farming—dahil karamihan ay nananatili lamang sa loob ng tahanan at ang ilan naman ay naghahanap ng mas sariwang produkto na hindi karaniwang mayroon sa palengke o grocery.
“Food security is very important. We can grow our own food in our own backyards [through] urban gardening. We can help feed our families at healthy pa ‘yan para sa ating mga anak,” ani Villar.
Base sa isinagawang online forum sa selebrasyon ng International Women’s Day nitong Lunes, March 8, iginiit ni Villar na maaari ring pagkakitaan ang urban farming.
“The pandemic has really disrupted the lives of people especially the vulnerable. Maraming hamon ang dumating. Mayroong nawalan ng trabaho, lumiit ang kita, at talagang maraming dinaanang pagsubok,” saad ng Mambabatas.
“Puwede rin itong pagkakitaan at hindi kailangang malaki ang kapital para magsimula. Puwede mo itong gawin sa labas ng bahay and it doesn’t require a very big space, nakakatulong ka pa sa environment at nakakaganda ng kapaligiran,” dagdag pa ng mambabatas.
Sa Kamara, isinusulong ang House Bill No. 8385 o Integrated Urban Agriculture Act na ipinanukala ni Villar at ng ilang mambabatas ang naglalayong gawing urban farming spots ang open spaces at hindi ginagamit na gusali.
At kapag naging ganap na batas, responsibilidad ng local government units na alamin at i-develop ang ilang pribado at pampublikong lupa o gusali na maaaring pagtayuan ng community gardens. Ang mga ahensya naman ng gobyerno ay may katungkulan ukol sa information dissemination, pagsama ng urban farming sa edukasyon, at pagpapaigting ng national feeding program.
Sa Las Piñas City, nagsimula ang urban gardening projects noong 2013 sa pamamagitan ni Senador Cynthia Villar at ng Villar SIPAG (Social Institute for Poverty Alleviation and Governance) Foundation bilang bahagi ng taunang food festival.
Bagamat nagsimula ang backyard gardens para maitampok ang gardening at farming skills ng Las Piñeros, ito ay napalago at nagiging magandang pinagkukunan ng kabuhayan at pagkain ng mamamayan.
Hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin sa pagbahagi ng starter kits na mayroong seedlings at fertilizers sa mga komunidad ang pamilya Villar. (CESAR BARQUILLA)
498
