(NI DANG SAMSON-GARCIA)
TIWALA si Senador Koko Pimentel na hindi makaaapekto sa relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos ang umiinit na usapin sa sinasabing pag-ban sa Amerika ng mga opisyal ng gobyerno na tumulong sa pagpapakulong kay Senador Leila de Lima na ginantihan ng pagbabanta ng Malakanyang na oobligahin ang mga Amerikano na kumuha ng visa bago pumasok sa ating bansa.
“Ang relationship ng Pilipinas sa Amerika, napakalakas nyan. Ito ay napakaliit lang na issue. It will not affect the relationship with us. Maliit na bagay lang ito,” saad ni Pimentel.
Iginiit pa ni Pimentel na wala na ring silbi kung magpo-protesta ang bansa kung ituloy man ng Amerika ang pag-ban sa mga opisyal ng gobyerno.
“Pointless na magprotest kasi conclusion ng legislators nila yun eh. Wala na epekto dito sa atin kasi may sarili tayo process because hindi rin naman nila babaguhin yun. Kung ginagawa nila political issue then it becomes political issue, kasi dinidiscuss na natin,” paliwanag ni Pimentel.
Binigyang-diin ng senador na kung anuman ang maging desisyon ng Amerika ay bahagi ito ng kanilang soberanya tulad ng karapatan nating gawin kung anumang polisya ang nais nating ipatupad.
Gayunman, kung itutuloy anya ng gobyerno ang pagre-require sa mga Amerikano na kumuha ng visa papasok sa ating bansa ay dapat maging handa ang Pilipinas sa posibleng pagbabawas ng turismo.
“Mag-umpisa ako sa prinsipyo na ang pagpasok sa isang bansa ay totally kontrolado yan ng bansa kasi sovereignty ang usapin, kung pwedeng pumasok ang isang foreigner sa bansa, decision ng isang bansa yun. Kunwari sa Amerika ayaw nila papuntahin ang opisyal ng Pilipinas wala tayo magagawa dun. Kung tayo naman sabihin natin dati wala kayo visa pero mula ngayon kailangan nyo na ng visa hindi sila pwedeng magreklamo pero ready lang tayo na mabawasan tayo ng bisita na Amerikano,” diin ni Pimentel.
Pinayuhan pa ni Pimentel ang lahat na huwag nang palakihin pa ang isyu at hintayin na lamang ang opisyal na deklarasyon.
“Huwag na natin udyukin kasi wala naman pinapangalanan. Kailangan official action from the Secretary of the States. Kahit may pangalanan ang dali lang solusyon, eh di wag kayo pumunta sa Amerika. Ang ibig sabihin nun, you are not welcome to go here, eh ‘di don’t go there,” diin pa nito.
170