VALID ID ‘DI KAILANGAN PARA MAKAKUHA NG POSTAL ID – PHLPost

NILINAW ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) na hindi kailangang mag-submit ng valid government-issued ID bilang requirement para makapag-apply ng Postal ID.

Kailangan lamang magsumite ng Birth Certificate, Barangay Certificate at Postal ID Application Form. Ito ang lang ang mga pangunahing hinihingi ng PHLPost para sa mga first-time na kukuha ng Postal ID.

Para sa mga aplikanteng walang maipakitang Barangay Certificate, maaari silang mag-submit ng iba pang tinatanggap na proof of address tulad ng pinakahuling bayarin sa kuryente, tubig, internet, o iba pang utility bill na naglalaman ng kanilang pangalan at kasalukuyang tirahan.

Inilabas ng PHLPost ang paglilinaw na ito upang higit pang mapalawak ang kaalaman ng publiko tungkol sa mga requirement sa pagkuha ng Postal ID at maitama ang maling paniniwala na kinakailangan munang magkaroon ng ibang valid government-issued ID bago makakuha nito.

“Ang Postal ID ay inilunsad upang gawing mas madali para sa mga Pilipino ang pagpapatunay ng kanilang pagkakakilanlan (proof of identity) lalo na para sa mga kumukuha pa lamang ng kanilang unang government-issued ID,” ayon kay Postmaster General at Chief Executive Officer Maximo C. Sta. Maria III. “Sa pamamagitan ng Birth Certificate at proof of address maaari nang simulan ng mga kwalipikadong aplikante ang proseso ng pagkuha ng isang government-issued ID.”

Bilang isa sa mga pinaka-abot-kaya at madaling makuhang government-issued identification card sa bansa, malaking tulong ang Postal ID para sa mga first-time ID holders, estudyante, job applicants, senior citizens, solo parents, persons with disabilities (PWDs), at mga mamamayang nasa malalayong komunidad na may limitadong access sa iba pang uri ng pagkakakilanlan.

Kalimitang tinatanggap sa mga transaksyon sa pampubliko at pribadong sektor, maaaring gamitin ang Postal ID sa pagbubukas ng bank account, pag-aapply ng pasaporte, pag-claim ng mga parsela, pagpapadala at pagtanggap ng koreo, at sa iba pang legal at pinansyal na transaksyon.

109

Related posts

Leave a Comment