NILINAW ng vice mayor ng San Juan, Batangas, kasama ang ilang miyembro ng Sangguniang Bayan, na hindi sila tutol sa planong pagtatayo ng provincial hospital sa bayan.
Ito ay kasunod ng mga lumabas na pahayag at usapin sa social media na umano’y kumokontra sila sa proyekto.
Ang isyu, ayon sa kanila, ay hindi ang ospital kundi ang lokasyon kung saan ito itatayo.
Inihayag ni Sangguniang Bayan Member Atty. Grenalyn Virtusio, suportado nila ang pagtatayo ng provincial hospital sa San Juan at wala umanong sinoman sa anim na mga opisyal, kabilang si Vice Mayor Anthony Marasigan, ang tumututol sa proyekto.
Ayon kay Konsehal Virtusio, ang pangunahing hindi nila sinang-ayunan ay ang naunang planong pagbili ng lupang nagkakahalaga ng P20 milyon sa Barangay Palahanan 2, dahil naniniwala silang mas malayo ito sa karamihan ng mga barangay sa timog o paibabang bahagi ng bayan, lalo na sa oras ng emergency.
Giit pa niya, mas angkop na lokasyon ang municipal motorpool dahil mas madaling mararating ng mga residente mula sa 28 barangay, habang binanggit din niya na maaaring gamitin ang pondong ilalaan sa pagbili ng lupa para sa gamot, bakuna at iba pang serbisyong pangkalusugan.
Sinabi rin ni Virtusio na umaasa silang ikokonsidera ang motorpool nang bawiin ang naunang plano sa Barangay Palahanan 2, ngunit kalaunan ay napag-alamang Barangay Muzon na ang napiling lokasyon na donasyon ang isang ektaryang lupa ng dating alkalde na si ex-Mayor Rodolfo Manalo.
Binigyang-diin din niya na nasa kapangyarihan ni Mayor Ildebrando “Beebong” Salud ang pinal na desisyon sa lokasyon ng ospital at umaasa silang mapipili ang lugar na pinakamalaking pakinabang para sa mas maraming San Juaneño.
Sa ginanap namang sesyon, sinabi ni Vice Mayor Marasigan na prerogative ni Mayor Salud ang masusunod, at kung saan man ang gusto nito na itayo ang ospital, ay igagalang nila basta kung sa kapakinabangan ng mas nakararaming taumbayan.
Nauna nang iginiit ni Mayor Salud na mahalagang maituloy agad ang proyekto upang hindi masayang ang pondong inilaan ng pamahalaang panlalawigan, habang nananatiling sentro ng diskusyon ng dalawang panig ang lokasyon ng planong provincial hospital.
(NILOU DEL CARMEN)
63 