NAGHAIN si Senador Mark A. Villar ng Senate Bill No. 2362 na naglalayong i-exempt ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa pagbabayad ng Minimum Corporate Income Tax (MCIT) upang mabawasan ang kanilang pasanin sa buwis at mapalakas ang kanilang kakayahang lumago at makalikha ng mas maraming trabaho.
Ayon kay Villar, ang mga MSMEs ay bumubuo ng 99.63 porsyento ng lahat ng rehistradong negosyo sa bansa noong 2024. Nag-aambag din ang sektor ng 35.7 porsiyento sa Gross Domestic Product (GDP) at nagbibigay ng trabaho sa 63.19 porsiyento ng kabuuang labor force sa Pilipinas.
Gayunman, sinabi ng senador na patuloy na nahaharap ang mga MSMEs sa tumataas na gastos sa produksyon, mataas na inflation, at iba pang hamon sa ekonomiya. Aniya, lalo itong pinalala ng pagtaas ng inflation sa mahigit 7.2 porsiyento noong Abril 2026 kasunod ng pagdedeklara ng national energy emergency.
“Ang ating mga MSMEs ang isa sa mga bumubuhay sa ekonomiya ng Pilipinas. Sila ang nagbibigay ng kabuhayan sa milyun-milyong Pilipino, nagpapasigla sa mga lokal na industriya, at nagpapatakbo sa ating mga komunidad. Sa pamamagitan ng makabuluhang tax relief at exemption sa pagbabayad ng Minimum Corporate Income Tax, mabibigyan natin sila ng mas malaking pagkakataong palaguin ang kanilang negosyo, makalikha ng mas maraming trabaho, at mas mapalakas pa ang ating ekonomiya,” ani Villar.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2362, aamyendahan ang National Internal Revenue Code upang bigyan ng exemption sa MCIT ang mga kuwalipikadong MSMEs na kinikilala sa ilalim ng Magna Carta for MSMEs.
Layunin din ng panukala na mabawasan ang gastusin sa buwis ng maliliit na negosyo upang mas maraming pondo ang mailaan sa pagpapalawak ng operasyon, inobasyon, at paglikha ng trabaho.
“Kapag mas umuunlad ang ating maliliit na negosyo, mas maraming Pilipino ang nagkakaroon ng trabaho, mas lumalakas ang ating mga lokal na ekonomiya, at mas dumarami ang oportunidad para sa bawat pamilya. Ang panukalang ito ay isang konkretong hakbang upang mabigyan ng mas malaking pagkakataong umunlad ang ating mga negosyante at matiyak na ang pag-unlad ng ekonomiya ay mararamdaman sa bawat komunidad,” dagdag ni Villar.
Umaasa ang senador na ang panukala ay makapagbibigay ng kinakailangang ginhawa sa mga MSMEs upang mapalawak ang kanilang operasyon, mapataas ang produktibidad, at patuloy na magsilbing mahalagang tagapagtaguyod ng inklusibo at pangmatagalang pag-unlad ng ekonomiya.
(DANNY BACOLOD)
55 