WALA umanong moral authority si Vice President Sara Duterte-Carpio na humingi pa ng malaking pondo para sa kanyang tanggapan dahil hindi nito maipaliwanag kung paano nito nagastos ang kanyang confidential funds at iba pang pondo ng Office of the Vice President (OVP).
Ginawa ni Bataan representative Geraldine Roman ang pahayag matapos magsumbong si Duterte sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong na iniwan na umano ng buong gobyerno ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang OVP.
Itinanggi ito ni Roman dahil nabigyan umano ng mahigit P733 million ang OVP ngayong 2025 at noong 2023 ay binusog ito ng pondo kasama na ang P500 million confidential funds at mga direktang tulong sa mga tao.
Gayunpaman, hindi umano maipaliwanag ng pangalawang pangulo kung paano at saan ginamit ang kanyang confidential funds at iba pang pondo ng kanyang tanggapan subalit nais nitong humingi ng mas malaking budget.
‘”And when you cannot account for your budget spent in the past years, how can you have the moral authority to ask for more? It’s not that. The office of the Vice President continues to function and should continue to function,” ani Roman.
Kung tutuusin aniya ay mas malaki ang pondo ni VP Duterte kumpara kay dating Vice President Leni Robredo subalit nagawa pa rin ng huli ang mga tungkulin na nakaatang sa kanya.
Kinontra din ng kinatawan ng Bataan ang pahayag ng anak ni dating pangulong Rodrigo Duterte na na-scam ito kaya hindi na ito mag-eendorso ng kandidato ngayong eleksyon.
“There’s something inaccurate about it,” ani Roman dahil ang kampo umano ni Duterte ang nagsimula ng pagkawasak ng UniTeam nang dumalo ito sa rally ng kanyang ama at tumawa ito bansagan ng dating Pangulo na bangag si Marcos.
Bukod dito, nagpatawag din ng imbestigasyon ang kanyang kaalyado sa Senado ukol sa paggamit umano ni Marcos ng ilegal na droga at inamin sa publiko na gusto niyang putulan ng ulo ang pangulo nang tumanggi itong ibigay ang kanyang relo sa isang kadete sa Philippine Military Academy (PMA) graduation.
Maliban dito, inamin din ni VP Duterte na may nakausap na itong papatay kina Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez kapag may nangyaring masama sa kanya.
“Nuloong naupo naman si VP Sara, nakita ko parang very antagonistic yung kanyang attitude towards President Marcos,” ani Roman, subalit nanahimik umano ang pangulo at hindi isinara ng tuluyan ang pintuan sa pamilyang Duterte.
“And now you are saying na ikaw ang iniwan. At sinasabi mo na ikaw ang iniwan, at sinasabing ikaw ang na-scam. Parang may mali naman yata don sa declaration na yun,” punto ng kongresista. (PRIMITIVO MAKILING)
