DOJ: AKUSADO MAAARING ISUKO NG PH GOV’T SA INTERNATIONAL COURT

NANINDIGAN ang Department of Justice (DOJ) na maaaring isuko ng pamahalaang Pilipinas ang isang akusado sa international court alinsunod sa umiiral na batas.

Hindi umano nagbabago ang posisyon ng DOJ kaugnay sa legalidad ng warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court laban kay Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa.

Ayon kay Justice spokesperson Atty. Polo Martinez, sa ilalim ng Republic Act No. 9851 o batas na nagpaparusa sa genocide, war crimes at crimes against humanity, may dalawang opsyon para maipasa ang isang akusado sa international court o tribunal.

Kabilang dito ang surrender kung saan direktang isinusuko ang akusado sa international court, at extradition na isang pormal na proseso ng paghiling ng ibang bansa o hurisdiksyon.

Binigyang-diin ng DOJ na sasagutin nila sa tamang panahon ang iba pang tanong hinggil sa isyu ngunit mas makabubuting hintayin muna ang magiging ruling ng Korte Suprema sa nakabinbing petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng pagpapadala ng warrant of arrest mula sa ICC.

Reso ng Pagsuko Tinabla ni Bato

Mariin namang ibinasura ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang resolusyong inihain ng ilan niyang kasamahan na humihikayat sa kanya na sumuko sa proper authorities kaugnay ng warrant of arrest ng ICC.

Sinabi ni dela Rosa na nagtataka siya kung bakit umano “atat na atat” ang ilan niyang kasamahan na siya ay makulong.

Iginiit ng senador na kailangan muna niyang gamitin ang lahat ng legal remedies na maaari niyang tahakin sa usapin.

Naniniwala rin si dela Rosa na kahit sabihin pang sa proper authorities siya pasusukuin, malinaw umano na plano ng kasalukuyang administrasyon na ibigay siya sa ICC.

“Huwag silang masyadong atat-atat na ikulong. Grabe naman sila eh. Nagsasama kami sa Senado for how many years, tapos ganyan na lang, basta-basta na lang nila akong pasu-surrenderin doon. Alam naman nila na foreign court yan eh, dayuhan yan eh,” diin ni dela Rosa.

(JULIET PACOT/DANG SAMSON-GARCIA)

70

Related posts

Leave a Comment