BATANGAS – Bumungad sa isang ama ang pinakamasakit na tanawin sa kanyang buhay nang matagpuan ang bangkay ng kanyang dalagitang anak sa isang creek sa Barangay Maugat, sa Tanauan City noong Miyerkoles ng madaling araw.
Ayon sa ulat ng Tanauan City Police Station, bandang alas-5:45 ng umaga nang madiskubre ng ama ang walang buhay at walang saplot na katawan ng biktima matapos ang magdamag na paghahanap, nang hindi makauwi ang anak mula noong Martes ng gabi, Disyembre 16.
Agad namang ini-report ng tiyahin ng biktima ang insidente sa pulisya bandang alas-7:50 ng umaga, dahilan ng pagresponde ng mga imbestigador sa lugar.
Humingi ng tulong ang pulisya sa Scene of the Crime Operatives o SOCO upang isagawa ang masusing forensic processing para matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng dalagita.
Sa kasalukuyan, isinasailalim na sa awtopsiya ang bangkay habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabigyang-linaw ang insidente at mapanagot ang sinomang sangkot sa krimen.
(NILOU DEL CARMEN)
86
