WFH, ALTERNATIVE LEARNING MODES SA NCR, 14 PROBINSYA NGAYONG MARTES INIUTOS NG MALAKANYANG

MANILA — IPINAG-UTOS ng Malakanyang ang pagsasagawa ng Work-from-Home (WFH) arrangement sa mga tanggapan ng pamahalaan at alternative learning modes sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan bukas, Agosto 18, bilang paghahanda sa inaasahang patuloy na malakas na pag-ulan dulot ng habagat.

Nakasaad ito sa Memorandum Circular No. 128 na nilagdaan ni Executive Secretary Ralph Recto, sa pahintulot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Alinsunod sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ipatutupad ang WFH arrangement sa mga tanggapan ng pamahalaan at suspensyon ng face-to-face classes sa National Capital Region (NCR) at 14 na lalawigan.

Kabilang dito ang Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Benguet, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Rizal, Laguna at Occidental Mindoro.

Hindi saklaw ng WFH arrangement ang mga ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa paghahatid ng basic at health services, gayundin ang mga tanggapan na nangangasiwa sa paghahanda at pagtugon sa mga sakuna at kalamidad.

Ipinauubaya naman ng Malakanyang sa mga local chief executive ang pagpapasya kung kinakailangang suspendihin ang pasok sa mga lugar na hindi kabilang sa mga tinukoy sa memorandum circular.

Nasa diskresyon naman ng pamunuan ng mga pribadong kompanya ang pagpapasya kung magsasagawa ng suspensyon sa trabaho.

Muling nagpaalala ang Malakanyang sa publiko na mag-ingat at manatiling nakatutok sa mga abiso ng mga kinauukulang ahensya kaugnay ng kondisyon ng panahon.

(CHRISTIAN DALE)

76

Related posts

Leave a Comment