ZAMBOANGA SHOOTING PASOK SA TERROR ACT — VIDA

TINAWAG ni Department of Justice (DOJ) Secretary Frederick Vida na isang terrorism o terror act ang naganap na pamamaril sa Zamboanga City dahil nagdulot ito ng takot sa publiko.

Ito ang inihayag ni Vida habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga law enforcement agencies, bagama’t iginiit niyang hindi muna niya maaaring ibahagi ang iba pang detalye sa isinasagawang operasyon.

“On the aspect of it being a terrorist act, definitely nakikita naman because the purpose of terrorism is to sow fear in the general population. So pag nakita nyo that element of creating fear on the public, its present,” ani Vida.

Ayon kay Vida, may mga sinusundan silang impormasyon hinggil sa mga batang maaaring tina-target sa group chats, partikular ang mga nahihilig sa marahas na content.

Anggulong ‘Mentor’ Sinisilip

Sinisilip din ng DOJ ang posibilidad na may taong nag-recruit o nag-mentor sa batang sangkot sa shooting incident sa Ateneo de Zamboanga University noong Agosto 18, 2026.

Kasunod ito ng pagpasok ng kagawaran sa masusing imbestigasyon katuwang ang iba’t ibang law enforcement agencies.

Ayon kay Secretary Vida, isa ito sa mga anggulong tinututukan ng mga awtoridad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Sinabi ni Vida na may impormasyon silang sinusuri tungkol sa mga taong nakikipag-ugnayan sa mga bata, kabilang ang paggamit ng group chats kung saan maaaring may nagtuturo o nag-iimpluwensya sa mga ito.

“We’re confirming information na mentor, alam mo yung minementor yung mga bata, yung mga bata na may nag-e-engage sa kanila?” ani Vida.

Ayon sa kalihim, may mga bata umanong nakikipag-ugnayan sa ilang tao at nagtatanong kung tama ba ang kanilang ginawa o kung ano ang dapat nilang gawin.

Tinitingnan din ng mga awtoridad ang posibilidad na may mga taong nagta-target sa mga batang madalas naglalaro ng violent games at kalaunan ay nirerecruit sa ilang group chats.

“Heavy na ang mga law enforcement agencies natin on this. We’re pursuing all these leads,” sabi ni Vida.

Hindi na nagbigay ng iba pang detalye ang kalihim dahil patuloy pa ang operasyon at imbestigasyon ng mga awtoridad.

Samantala, sinabi ni Vida na inimbitahan na para sa pagtatanong ang may-ari ng baril na ginamit sa pamamaril.

Sinabi rin niyang handang tumanggap ang DOJ field office ng anumang reklamong ihahain kaugnay ng insidente at agad itong aaksyunan.

Digital Forensics Ikinasa

Samantala, umarangkada na ang digital forensic examination ng Philippine National Police (PNP) sa mga ebidensyang nakalap kaugnay ng pamamaril.

Magsasagawa ang PNP ng malalimang pagsusuri upang matukoy ang mga posibleng dahilan at pinagmulan ng insidenteng kinasangkutan ng isang Grade 8 student.

Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., nais niyang malaman kung ano ang nagtulak sa nasawing Child in Conflict with the Law (CICL) upang isagawa ang pamamaril.

Batay sa ulat ng Zamboanga City Police Station, nakarekober ang mga pulis ng isang cellphone at iba pang personal na gamit mula sa Grade 8 student na namaril noong Martes.

(JULIET PACOT/TOTO NABAJA)

61

Related posts

Leave a Comment