NAGLAAN ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng ₱50 milyong pabuya para sa sinomang makapagbibigay ng impormasyong magtuturo sa kinaroroonan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa at makatutulong sa kaniyang pag-aresto.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, itinuturing nang “armed and dangerous” o armado at mapanganib si Dela Rosa, na umano’y patuloy na umiiwas sa mga awtoridad.
Kaugnay ito ng warrant of arrest na iniulat na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa dating senador kaugnay ng mga paratang na crimes against humanity na may kinalaman sa madugong kampanya kontra-droga ng nakaraang administrasyon.
Nauna nang sinabi ni Remulla na umano’y kinakanlong si Dela Rosa ng isang makapangyarihang indibidwal na may mga armadong tauhan. Nagbabala rin siya sa posibleng pagdanak ng dugo sakaling puwersahang isagawa ang pag-aresto sa dating senador.
Gayunman, nagpahayag ng pagdududa si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa pahayag na may armadong grupo na umaabot sa 10,000 tauhan.
Ayon kay Teodoro, maaaring naalis sa konteksto ang naunang pahayag ni Remulla.
“Hindi, hindi, palagay ko taken out of context naman yung statement ni Secretary Remulla,” ani Teodoro.
Dagdag niya, hindi kailangang umabot sa ganoong kalaking bilang ang isang armadong grupo upang makapagdulot ng kaguluhan at pinsala.
“Palagay ko yung statement niya is na maraming maaaring masaktan, that’s it. Pero there are no such armed groups na ganyang kalaki, no way,” paliwanag ng kalihim.
Nilinaw din ni Teodoro na hindi niya naniniwalang may pribadong armadong grupong umaabot sa 10,000 tauhan.
Samantala, sinabi ni Remulla na nais ng pamahalaan na magkaroon ng mapayapang negosasyon kay Dela Rosa at sa mga umano’y nagkukubli sa kaniya upang maiwasan ang pagdanak ng dugo.
Nagbabala naman ang PNP at National Bureau of Investigation (NBI) na maaaring maharap sa kaukulang kaso at parusa ang sinumang mapatutunayang nagtatago o kumakanlong sa dating senador.
Ayon din sa mga naunang pahayag ng mga awtoridad, nakansela na ang mga lisensya ng mga baril ni Dela Rosa.
Samantala, kumalat sa social media ang ulat tungkol sa umano’y pitong araw na palugit na ibinigay kay Dela Rosa upang boluntaryong sumuko. Gayunman, kailangang kumpirmahin ng mga awtoridad ang naturang ultimatum at ang eksaktong mga kondisyong kaugnay nito.
Ayon kay Remulla, layunin ng pag-aalok ng pabuya na mapabilis ang pag-aresto o boluntaryong pagsuko ng dating senador.
(JESSE RUIZ)
107 