PAGLUKLOK KAY CARDINAL ADVINCULA ISASABAY SA ARAW NG MAYNILA

SIMPLENG selebrasyon sa pagluluklok kay Cardinal Jose Advincula bilang susunod na arsobispo ng Maynila ang gaganapin sa Manila Cathedral sa Intramuros, Manila sa Hunyo 24.

Kasabay ito ng pagdiriwang ng Araw ng Maynila.

“The celebrations will be very simple. We will follow the liturgical guidelines. No fanfare,” ayon kay Fr. Reginald Malicdem, chancellor ng Archdiocese of Manila at siya ring rector ng cathedral.

Una nang nagtakda ang archdiocese ng mga aktibidad para sa okasyon.

Matapos ang instalasyon sa Hunyo 24, isang banal na misa ang pangungunahan ni Advincula kasama ang mga lay leaders sa Hunyo 25 habang sa Hunyo 26 naman ay kasama ang mga consecrated men and women ng arkidiyosesis.

Sa Hunyo 27 naman bibisitahin ng cardinal ang isang urban poor community sa Maricaban, Pasay at magdiriwang ng isang banal na misa sa Mary, Comforter of the Afflicted Church.

Tradisyon na umano ng arkidiyosesis na matapos ang instalasyon ng bagong arsobispo ay bumibisita ito sa isang lugar na may “special concerns”.

Kaugnay nito, isasara muna ang bahagi ng Intramuros para makontrol ang mga taong papasok sa lugar sa araw ng instalasyon ng bagong arsobispo kaya hinikayat ang publiko na tunghayan na lamang ang okasyon sa online. (RENE CRISOSTOMO)

46

Related posts

Leave a Comment