BATAS NILABAG MAKALUSOT LANG ANG P20-B KONTRATA

WALA namang binabanggit ang Commission on Audit (COA) na kinulimbat, o kumita, ang mga opisyal ng National Irrigation Administration (NIA) sa halos P20 bilyong halaga ng mga kontrata nito sa mga pribadong kumpanya.

Ang sabi lang ng COA sa ulat nito para sa 2019 ay nalabag ang mga batas sa pagbibigay ng 339 kontrata sa mga kumpanya, o kontratista.

Ang kabuuang halaga ng kontrata ay P19.986 bilyon na naigawad sa 339 na pawang ­”ineligible contractors”.

Pokaragat na ‘yan!

Hindi bago sa NIA ang ganitong paglabag sa mga ipinaiiral, sinusunod at ipinatutupad na batas hinggil sa mga proyekto at kontratang ibinibigay, o iginagawad, sa mga pribadong kumpanya.

Noong 2018, lumabas din sa ulat ng COA na halos P12 ­bilyong halaga ng mga kontrata nito sa mga pribadong kumpanya, o kontratista, ang naantala ang implementasyon.

Hindi naparusahan ang mga opisyal ng NIA hinggil sa pagkakamaling nagawa.

Hindi rin nag-imbestiga ang Office of the Ombudsman at Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa NIA upang malaman nila kung sinu-sino ang may kasalanan sa halos P12 bilyong halaga ng mga proyekto ng nasabing ahensiya noong 2018.

Nitong 2019 ay naulit ang kabulastugan sa NIA.

Ngunit, mukhang mas matindi ang nagawang ”krimen” dahil umabot sa P19.986 bilyong halaga ang nakataya sa mga proyektong nakalusot at nalabag ang mga batas maigawad lang sa mga pribadong kumpanya ang mga kontrata.

Pokaragat na ‘yan!

Nakakabuwisit na talaga!

Napansin ni Senadora Leila de Lima ang magkasunod na krimen sa NIA, kaya pinaiimbestigahan niya ang halos P20 bilyon upang malaman kung mayroong korapsyon at pandarambong na nanagap.

Sa kanyang paghahain ng Senate Resolution No. 556, binanggit ni De Lima na “Just last year, the NIA had been flagged over the delays in its implementation of irrigation projects, a majority of which should have been completed years ago”.

“In 2018, the COA flagged delays in the NIA’s implementation of projects worth almost P12 billion”, patuloy ng mambabatas.

Hindi bago ang naganap sa NIA.

Napakaraming ulat na ang inilabas ng COA hinggil sa kaliwa’t kanang paglabag ng ­napakaraming ahensiya ng pamahalaan.

Hindi lang ngayong termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, kundi maging sa mga nakalipas na administrasyon.

Marami sa mga ulat ng COA ay hindi matumbok kung saan napuntang mga magnanakaw sa mga opisyal ng pamahalaan at mga opisyal sa mga pribagong kumpanya ang milyun-milyon hanggang bilyun-bilyon ang pera ng pamahalaan.

Hindi naman agresibo ang mga ahensiyang inatasan ng batas upang magsagawa ng imbestigasyon at maghain ng mga kaukulang kaso laban sa mapatutunyan nilang mga korap at ­mandarambong.

Kung ‘di agresibo, walang ginagawa ang mga nasabing opisyal.

Kaya, nauulit lanng nang nauulit ang korapsyon at pandarambong sa napakaraming kagawaran at ahensiya ng pamahalaan.

Kaya, walang tigil ang pagsasaya ng mga kriminal sa maraming ahensiya ng pamahalaan.

Nagsisimula na ang imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) hinggil sa suliraning ito.

Ang tanong: “Isama kaya ng DOJ ang NIA?”

Kung hindi isasama ang NIA, pihadong mauulit ang kalokohan sa ahensiyang ito.

Sa dulo, kawawa na naman ang mga magsasaka at agrikultura.

42

Related posts

Leave a Comment