OWWA TULONG PUSO AY PARA SA LAHAT NG OFW ORGANIZATION (Unang Bahagi)

NOONG ako ay nanumpa sa harap ng Pangulong ­Rodrigo Roa Duterte sa palasyo ng Malakanyang bilang ­miyembro ng Overseas  Workers Welfare Administration (OWWA) Board of Trustees bilang kinatawan ng lahat ng Overseas Filipino Workers Landbased Sector noong May 27, 2019 ay naalala ko pa ang maraming tagubilin ng ating pangulo.

Kabilang dito ang kanyang pagbabanta na hindi niya palalagpasin ang anumang ­kurapsyon sa kahit na anong ahensya. Isa pa sa tagubilin ni Pangulong Duterte ay ang siguruhin na sa bawat programa o proyekto, ang bawat mamamayan ay kasali sa makikinabang. Sa madaling salita ay dapat walang maiiwanan.

Ang tagubilin na ito ng mahal na pangulo ay tumatak ng husto sa aking isipan, kung kaya sa tuwing oras na ako ay nagi-isip ng anumang proposal para sa programa ng OWWA ay ­aking laging isinasa-isip ang bawat OFW lalo na ang mga datihang OFW.

Noong Enero ng taong 2020 ay nagkaroon ako ng pagkakataon na makipaglibing kay Jeanalyn Villavende, isang OFW na pinaslang sa bansang Kuwait.

Habang kami ni OWWA Administrator Hans Cacdac ay naglalakbay sa malayong bayan sa South Cotabato para magtungo sa tahanan ni Jeanalyn Villavende, ay nagkaroon ako ng pagkakataon na kamustahin sa mga tagaroon ang mga prog­rama ng OWWA  na ­naging kapaki-pakinabang sa mga ­miyembro nito.

Isa sa nabanggit na kanilang pinanghihinayangan na programa ay ang Tulong Puso na programa ng Department Of Labor and Employment (DOLE).

Ayon sa aking nakapanayam, maganda ang programang Tulong Puso, dangan lamang na maikli ang panahon na ­ibinigay para maka-avail ang mga OFW.

Sa katunayan ay hindi ­nagamit ang kabuuang pondo na inilaan dito at naibalik lamang sa National Treasury ang pondo nang hindi man lang nagamit.  Ang itinuturong dahilan nito ay ang

kakulangan ng impormasyon para maipakalat ang programa sa mga OFW.

Nang ako ay makauwi na sa Maynila, ay patuloy akong nag-imbestiga at nagtanong sa iba pang grupo ng mga OFW ukol sa Tulong Puso ng DOLE at iisa ang naging pahayag ng aking mga

nakausap na maganda ang programa pero hindi naipaalam nang husto sa mga OFW.

Dahil dito, ay isinulong ko sa OWWA Board ang muling pagkakaroon ng programang Tulong Puso, ngunit imbes na ang pondo ay mula sa DOLE,  ito ay tutustusan na ng pondo mula sa OWWA.  Nagsimula ang pag-uusap sa aking proposal na Tulong Puso noong Marso 2020 at naaprubahan lamang noong Oktubre 2020.

Simula noong ito ay maaprubahan, sa buwanang board meeting ng OWWA ay lagi kong kinakamusta ang ­programa kung ito ba ay nailatag na at naipakalat na. Ngunit sa bandang huli ay napag-alaman ko na halos Enero na lamang ­tuluyang naibaba ang ­impormasyon sa mga Regional offices.

Dahilan kung bakit hanggang sa kasalukuyan ay iilan pa lamang ang nakakaalam at naga-apply ng programang Tulong Puso.

Sa katunayan, sa nakaraang board meeting ay iniulat sa amin ni Director Ruel Martin na 203 pa lamang ang kabuuang bilang ng mga grupo ng OFW na nag apply dito, at tatlo pa lamang ang naaprubahan na nagmula sa Region 8. (Itutuloy)

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin  sa e-mail  address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.

 

 

226

Related posts

Leave a Comment