TANGKANG RAPE AT BAWAS-SWELDO, INIREREKLAMO SA LMB WORLDWIDE SERVICES

AKO OFW

Matinding takot na tuluyang magahasa ang naging dahilan kung bakit humingi ng tulong sa Ako OFW ang ating kabayani na si Genelyn Domingo.

Ayon sa sumbong na ipinarating sa akin sa pamamagitan ni Ako OFW Social Service Officer Aiysha Consuelo, si OFW Domingo ay dumating sa Saudi Arabia noong Enero 24 lamang. Siya ay dumaan sa tamang proseso sa POEA sa pamamagitan ng LMB Worldwide Services na may tanggapan sa M. Orosa, Malate, Maynila.

Ayon sa salaysay ni OFW Domingo: “Noong March 2019 ay hinipo ng kapatid ni madam na lalaki ang puwet ko tapos binigyan niya ako ng pera para raw hindi ako magsumbong sa tatay n’ya. Hindi ko po tinanggap ang pera.”

“Noong July, pinakita niya sa akin ang ari niya kasi gusto raw niya makipagtalik sa akin. Hindi po ako pumayag.”

“Noong Sept 27, muntik na po akong gahasain habang naglilinis po ko sa kusina. Bigla niya akong hinawakan at dinakma po n’ya ang baba ko. Nagpumilit po akong kumawala at sumigaw ng HARAM kaya pinakawalan po niya ako, tumakbo po ako sa kwarto ng nanay nila. Humingi po ako ng tulong. Mabuti na lang po na gising sila at ang kapatid ni madam na lalaki ay tumakbo po papunta sa kwarto niya.”

“‘Yong nanay ni madam umiyak habang nag-usap kami. Gusto niya raw paalisin anak niya na lalaki basta hindi raw ako aalis dahil mabait daw akong Filipina.”

“Nagsabi po ako na uuwi na po ako sa ‘Pinas pero hindi po pumayag si madam tapusin ko raw po ang contract ko.”

Inirereklamo rin ni OFW Domingo, na sa bawat pagkakamali o bagay na hindi magustuhan ng kanyang employer sa kanyang ginagawa ay agad siyang binabawasan ng kanyang sweldo.

Matapos na matanggap ko ang sumbong na ito, ay agad ko itong ipinadala sa masipag na si OWWA Welfare Officer Yolanda Penaranda na nangako agad na ipatatawag ang employer at ang kanyang ahensya. Umaasa ako na magiging mabilis ang pagtulong dahil kilala sina Labor Attache Nasser Munder at ConGen Ed Badajos sa kanilang mabilis na pag-aksyon at suporta sa OWWA. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

116

Related posts

Leave a Comment