KAILANGAN ng pamahalaan na magkaroon ng solusyon upang maibsan ang pasanin ng mga Filipino sa inaasahang mataas na singil sa kuryente pagkatapos ng isang buwang pagpapalawig sa enhanced community quarantine (ECQ).
Sinabi ni Senador Win Gatchalian na nababahala ito na maraming ordinaryong Filipino ang posibleng mahirapan sa pagbabayad ng 2-buwang singil sa kuryente kung saan
inaasahan na mapuputulan ang mga ito ng kuryente.
Idinagdag pa ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Energy na kailangang kumilos ang Energy Regulatory Commission (ERC) upang maghanap ng solusyon na magpapagaan sa pagbabayad ng mga consumer.
Iminungkahi nito na ang dalawang buwang singil sa kuryente ay dapat palawigin sa tatlong buwan.
“Dahil nga marami sa ating mga kababayan ang hindi nakakapagtrabaho ngayon, lalo na ‘yung mga ‘no work, no pay’, ang panawagan natin sa ERC ay gumawa ng hakbang para hindi sila maputulan ng kuryente,” sabi ni Gatchalian.
Umapela rin si Gatchalian sa Manila Electric Corporation (Meralco) na pansamantalang ipatigil ang pagpapataw ng convenience fee upang ang mga consumer nito ay maaaring magbayad gamit ang mobile app ng kumpanya nang walang labis na singil. NOEL ABUEL
228 