PATAY ang isang 24-anyos na binata habang nasa malubhang kalagayan ang isang kasama nito gayundin ang isang 17-anyos na dalagita na tinamaan ng ligaw na bala makaraan ang labo-labo ng dalawang grupo sa loob ng basketball court noong Huwebes ng gabi sa Tondo, Manila.
Sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ni P/Lt. Col. Gene Licud, commander ng Manila Police District – Raxabago Police Station 1, nabitag ang itinuturong suspek na kinilalang si Joseph Ariola y Lagurin, 40, may asawa, negosyante at residente ng Brgy. 96 sa Tondo.
Batay sa ulat ni Lt. Col. Licud, bandang alas-10:00 ng gabi nang mangyari ang insidente sa loob ng basketball covered court sa
Brgy.137 sa Balut, Tondo.
Una rito, nagkaroon ng balyahan sa pagitan ng magkalabang player hanggang sa maglabo-labo ang dalawang team.
Sa puntong ito, bumunot umano ng baril si Ariola at walang habas na nagpaputok. Tinamaan sa pamamaril ang mga biktimang sina John Matthew Del Pilar, 24; Johansel Austria, 18, at Andrea Enciso, 17-anyos.
Mabilis na isinugod ang tatlong biktima sa Tondo General Hospital ngunit nalagutan ng hininga si Del Pilar habang inoobserbahan sina Austria at Enciso.
Matapos isagawa ang mga dokumento, itinurn-over na si Ariola sa tanggapan ng MPD- Homicide Section. (RENE CRISOSTOMO)
