KINUYOG ng mga tambay ang isang 29-anyos na lalaki makaraang sumalisi sa isang bahay at tinangay ang isang cellphone noong Sabado ng madaling araw sa Zone 46, Barangay 497, Sampaloc, Manila.
Kinilala ang suspek na si alyas “Joshua”, residente ng Sta. Cruz, Manila.
Ayon sa ulat ng Sampaloc Police Station 4 ng Manila Police District, bandang alas-12:35 ng madaling araw nang humingi ng tulong ang biktimang si alyas “Daniel”, 28-anyos, sa mga barangay tanod dahil sa nawawalang cellphone sa kanyang bahay.
Hanggang sa madiskubreng tinangay ng suspek ang cellphone. Bunsod nito, tinangkang arestuhin ng mga tanod ang suspek ngunit tumakbo ito hanggang sa maabutan ng mga tambay na agad itong kinuyog.
Mabilis namang inaresto ng nagrespondeng mga tauhan ng Sector 1 (Alpha) ng MWD Station 4 ang suspek na sasampahan ng kasong theft.
(RENE CRISOSTOMO)
