11-TAONG NAGDUSA SI OFW PEPITO BAGO MAKAUWI SA PILIPINAS

LABIS-LABIS ang aking kaligayahan nang malaman ko na ilan sa mga OFW na dumulog sa atin ay nakauwi na sa Pilipinas.

Kabilang sa kanila si Tatay Pepito Siaton na OFW sa Jeddah, Saudi Arabia.

Noong Marso 4 ng taong kasalukuyan, tinalakay ko rito sa aking kolum na may titulong “OFW na Senior Citizen Nanawagan ng Tulong” ang panawagan ni Tatay Pepito.

Sa kanyang pagsasalaysay ng kanyang panawagan at paghingi ng tulong, sinabi niya na siya ay nakarating sa Saudi Arabia noong Abril 26, 2007.

Ngunit, hindi nagtagal ang kanyang kumpanya ay nagsara, kaya siya ay kabilang sa mga nawalan ng trabaho at wala na ring malipatan na kumpanya, kung kaya bandang huli ay naging “undocumented OFW” siya.

Nadagdagan pa ang dagok sa buhay ni Tatay Pepito noong siya ay inatake sa puso at naparalisa ang kalahating katawan nito.

Bukod sa pagiging paralisado, nagkaroon din siya ng diabetes na lubhang nakaapekto sa kanyang kalusugan.

Naapektuhan din ng kanyang karamdaman ang pagkabulag ng kanyang kaliwang mata at tuluyang paglabo ng kanang mata.

Labis-labis ang pakiusap ni Tatay Pepito na siya ay matulungang makauwi sa Pilipinas upang makapag-pagamot at makapiling ang kanyang pamilya.

Nang ating malaman ang sitwasyon ng pamilya ni Tatay Pepito, gumawa ng paraan ang AKOOFW upang bisitahin ito sa bayan ng Cordova sa Cebu kung saan ating binigyan ng tulong pinansyal ang kanyang pamilya at pati na rin ang karagdagang paninda para sa kanilang maliit na sari-sari store.

Hindi rito nagtapos ang ating pagtulong kay Tatay Pepito.

Inilapit din natin ang kanyang suliranin kay Senator Christopher Lawrence “Bong” Go, sa pamamagitan nina Usec. Astravel Naik at Coco Naik, na agad namang tumugon at nakipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Matapos ang halos labing-isang taong paghihirap, natuldukan ang pagdurusa ni Tatay Pepito.

Kahapon, dumating si Tatay Pepito sa Pilipinas.

Bilang pagtupad sa ­ating pangako, personal nating sinalubong sa NAIA – 2 si Tatay Pepito upang personal na rin siyang makilala.

Kasabay din niyang dumating si Cecil Moralla na ­ating ding inilathala sa AKOOFW ang kanyang panawagan noong Oktubre 9, 2020 na may titulong “Hustisya Mailap kay OFW Cecil Moralla”.

Si Moralla ay OFW sa Jeddah na minamaltrato ng kanyang amo.

206

Related posts

Leave a Comment