MULING PAGBUBUKAS NG LOKAL NA TURISMO SA PILIPINAS

ANG industriya ng turismo ang isa sa mga industriyang pinaka-naapektuhan ng pandemya, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Malaki ang kontribusyon ng turismo sa ekonomiya ng bansa, kaya naging matindi rin ang epekto ng pagsasara nito sa kalagayan ng ating ekonomiya.

Bilyun-bilyong pisong halaga ng potensyal na kita ang nawala sa bansa dahilan na rin sa resulta ng pandemya.

Ayon sa datos ng ­Philippine Statistics ­Authority (PSA) nitong Hunyo, ang ­kontribusyon ng turismo sa ekonomiya noong 2020 ang naitalang pinakamababang kontribusyon nito sa loob ng dalawang dekada.

Noong 2019, nasa 12.8% ang kontribusyon ng turismo sa gross domestic product, o GDP, ng Pilipinas.

Ito ay bumagsak sa 5.4% noong nakaraang taon.

Ayon sa datos ng Department of Tourism (DOT), ang pumasok na pera sa bansa noong nakaraang taon mula sa lokal na turismo ay P81.40 bilyon.

Ito ay lubhang mababa kung ikukumpara sa P482.16 bilyong kinita noong 2019.

Kaya naman, kasabay sa pamamahagi ng bakuna ng pamahalaan, pinagsusumikapan din nito na muling buksan ang lokal na turismo.

Naglunsad ng mga programa kung saan masisiguro ang kaligtasan ng mga turista, habang hinihikayat ang mga ito na muling bumiyahe.

Isang halimbawa ay ang Safety Seal Certification ­Program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Layunin ng programang ito na mabigyan ng kapanatagan ng kalooban ang mga konsyumer habang binubuksan ang ekonomiya.

Ang Safety Seal ay ibinibigay sa mga establisyementong napatunayang sumusunod sa minimum public health standards.

Malaking bagay kung ang mga establisyimento sa mga lugar na dinadayo ng mga turista ay makakukuha ng ­Safety Seal bilang paghahanda sa pagtanggap ng mga turista.

Nakagagalak malaman na bagamat kailangang buksan ang lokal na turismo, numero uno pa rin sa inaalala ang kaligtasan ng mga turista.

Isa pang hakbang sa ­paghahanda sa pagbubukas ng lokal na turismo, inilunsad ng DOT ang kampanyang “Safe Bangon Turismo”.

Sa ilalim nito ay ang subsidy program para sa RT-PCR testing ng mga turista.

Ang Philippine Children’s Medical Center (PCMC) ay nag-aalok ng RT-PCR ­testing sa halagang P750 lamang kumpara sa orihinal nitong presyo na nasa P1,500.

Maging ang Philippine General Hospital ay bahagi rin nito.

Maituturing na tagumpay naman para sa lokal na turismo ang pagkamit ng isla ng Boracay ng Safe Travels Stamp mula sa World Travel and Tourism Council (WTTC).

Ito ang unang safety at hygiene stamp na inilunsad sa buong mundo.

Kinikilala nito ang mga pamahalaan at mga negosyong nagpapatupad ng mga global health standardized protocol.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na nakatanggap ng Safe Travels Stamp ang sikat na destinasyon sa bansa.

Noong Abril, nauna nang nagawaran nito ang Baguio.

Paunti-unti, nakababangon na ang lokal na turismo.

Suportahan natin ito upang mas mabilis tayong makabangon mula sa epekto ng pandemyang COVID-19.

Sa patuloy na pagtutulungan at pagkakaisa, mas mapapabilis ang muling pagbubukas ng lokal na turismo ng ating bansa.

Mas mapapabilis din ang muling pag-angat ng ating ekonomiya.

634

Related posts

Leave a Comment