15 BOTO SA IMPEACHMENT CONVICTION SUPORTADO NG SOLON

SUPORTADO ni Deputy Speaker Paolo Ortega ang panukalang ibaba mula 16 tungo sa 15 ang kinakailangang bilang ng boto upang ma-convict si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial nito kung 22 senador na lamang ang aktuwal na makalalahok sa paglilitis.

Ayon kay Ortega, dapat suriin ng Senado kung ang constitutional requirement na “two-thirds of all its members” ay maaaring ibatay lamang sa bilang ng mga senador na aktwal na nakagaganap ng kanilang tungkulin.

“Baka kailangan po nilang tingnan nang mabuti kung ang kakailanganing boto ay 15 na lamang at hindi 16 dahil parang simple math lang naman po kung titingnan mula sa labas,” ani Ortega.

Lumutang ang usapin matapos igiit ng ilang sektor na hindi na dapat isama sa kabuuang bilang ng miyembro ng Senado ang mga senador na nakakulong, nagtatago o hindi na magampanan ang kanilang tungkulin.

Gayunman, inamin ni Ortega na seryosong usaping konstitusyonal ito na maaaring mangailangan ng interpretasyon o gabay mula sa Korte Suprema.

Nauna nang binanggit ng House prosecutors ang kasong Avelino v. Cuenco bilang isa sa mga batayang legal sa pagtukoy ng quorum kapag may mga miyembrong wala na sa ilalim ng “coercive authority” ng Senado.

Sa ilalim ng Konstitusyon, kinakailangan ang pagsang-ayon ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado upang magkaroon ng conviction sa impeachment trial.

Dahil dito, nanawagan si Ortega sa Senado na agad nang linawin ang voting requirement bago umabot sa yugto ng pagboto sa kaso ng Bise Presidente.

(TINA MENDOZA)

67

Related posts

Leave a Comment