BINATIKOS ni Atty. Ariel Inton at ng ilang tagasuporta ni Vice President Sara Duterte, ang panawagan ng human rights lawyer at Artikulo Onse co-convenor na si Atty. JV Bautista na unahin munang ma-impeach ang Bise Presidente bago isulong ang anomang hakbang para papanagutin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Bautista, kung mauunang mapatalsik sa puwesto si Pangulong Marcos, si Duterte ang awtomatikong hahalili bilang Pangulo alinsunod sa Konstitusyon kaya’t mahalagang isaalang-alang ang magiging epekto nito sa liderato ng bansa.
Dahil dito, iginiit ni Inton na tila pulitikal lamang umano ang naturang posisyon at maituturing na isang “backdoor power grab” sa ilalim ng umiiral na proseso ng Saligang Batas.
Ipinunto rin ng abogado na kung tunay na layunin ng impeachment ang pananagutan ng mga opisyal, hindi umano dapat nakabatay ang hakbang sa posibleng magiging resulta ng succession sa pamahalaan.
Samantala, patuloy namang umiinit ang usapin kaugnay ng impeachment complaint laban kay Duterte habang hinihintay ang susunod na hakbang ng Senado bilang impeachment court.
73 