GATCHALIAN OPISYAL NANG SENATE PRESIDENT

BINATI ng kanyang mga kasamahan si Senador Joel Villanueva nang dumating ito sa Senado kahapon bago magsimula ang special session na nagtakda ng bagong liderato ng mataas na kapulungan. (DANNY BACOLOD)

NAILUKLOK si Senador Sherwin Gatchalian bilang bagong Senate President sa isinagawang special session nitong Miyerkoles.

Si Gatchalian ang magsisilbing ikalimang Senate President sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nahalal siya matapos makumpleto ang 13 senador na dumalo sa special session sa pagdating ni Senador Joel Villanueva.

Kasunod nito, inihalal naman ng Senado si Senador Vicente “Tito” Sotto III bilang Senate President Pro Tempore.

Kinumpirma ng majority bloc na si Senador JV Ejercito ang naging tulay upang tuluyang lumipat ng bloke si Villanueva matapos umanong madismaya sa mga nangyayari sa institusyon.

Ayon kay Ejercito, iisa ang layunin nila na maibalik sa trabaho ang Senado para sa kapakanan ng sambayanan.

Kasabay nito, kumbinsido ang majority bloc senators na panahon na upang magkaisa ang Senado at maibalik ang normal na operasyon ng mataas na kapulungan.

Cayetano Nag-concede

Halos isang oras bago ang special session ng Kongreso, tinanggap na ni Senador Alan Peter Cayetano ang posibilidad na makapaghahalal ng bagong Senate President.

Sa kanyang mahabang pahayag sa Facebook, sinabi ni Cayetano na matapos niyang makausap si Senador Villanueva ay tinanggap na niyang magkakaroon ng sapat na numero upang makapaghalal ng bagong lider ng Senado.

Aniya, hindi niya haharangin ang botohan dahil walang permanenteng liderato sa isang demokrasya.

Dagdag pa niya, ang bawat posisyon sa gobyerno ay isang ipinagkakatiwalang tungkulin at hindi pagmamay-ari ng sinoman.

Nagpasalamat din si Cayetano sa mga nanatili sa kanyang panig at tiniyak na wala siyang sama ng loob sa kanyang tinawag na “brother” na nagpasyang lumipat ng bloke.

(DANG SAMSON-GARCIA)

67

Related posts

Leave a Comment