17 BOMBA ITINANIM NG NPA, NAKUHA NG MILITAR

UMABOT sa 17 bomba na pinaniniwalaang itinanim ng komunistang New People’s Army, ang natagpuan ng mga tauhan ng Philippine Army’s 105th Infantry Battalion kasunod ng sumbong ng mga residente at mga kasapi ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) hinggil sa kahina-hinalang mga bagay na iniwan ng mga rebeldeng NPA sa Sitio Bagong Silang, Barangay Maan, sa bayan ng T’boli sa lalawigan ng South Cotabato.

Dahil dito, muling napatunayan ang kahandaan at malasakit ng mga sundalo matapos maagapan at mapigilan ang planong karahasan ng mga teroristang komunista sa lalawigan ng South Cotabato—isang patunay na ang tiwala at suporta ng mamamayan sa militar ay malaking bagay sa kanilang patuloy na paghina ng insurhensya.

Ayon kay Lt. Col. Erikzen C. Dacoco, Commanding Officer ng 105th Infantry (Saifullah) Battalion, nagmula ang mahalagang impormasyon sa maagap na ulat ng mga residente at ng CAFGU Active Auxiliary (CAA) hinggil sa kahina-hinalang mga bagay na natagpuan sa Sitio Bagong Silang, Barangay Maan, bayan ng T’boli, noong hapon ng Agosto 20, 2025.

Kaagad nagresponde ang tropa at nakuha ang labing-anim na anti-personnel mines (APMs). Natagpuan din ang isa pang pampasabog sa gilid ng isang abandonadong daan patungo sa Lawa ng Maughan.

Pinasalamatan ni Brigadier General Michael A. Santos, commander ng 603rd Infantry Brigade, ang mamamayan sa kanilang pakikiisa at maagap na pagbibigay-impormasyon.

“Napigilan natin ang isang posibleng malagim na insidente na maaaring kumitil ng maraming buhay. Ang mabilis na aksyon ng ating mga kababayan at kasundaluhan ay malinaw na patunay na kapag nagtutulungan ang komunidad at pamahalaan, tiyak na mapipigilan natin ang banta ng terorismo,” ani Brig. Gen. Santos.

Samantala, inihayag ni Major General Donald Gumiran, commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, na ang insidente ay sumasalamin sa tunay na lakas ng pagkakaisa ng bayan at kasundaluhan.

“Ang matagumpay na paghadlang na ito ay hindi lamang tagumpay ng militar kundi ng buong sambayanan. Ipinakikita nito na ang ating kaligtasan ay nakasalalay sa pagtutulungan ng komunidad at pamahalaan.”

“Patuloy tayong magsasagawa ng masusing operasyon upang matiyak ang kapayapaan at seguridad sa South Cotabato,” ani Maj. Gen. Gumiran.

(JESSE RUIZ)

121

Related posts

Leave a Comment