UMABOT sa 18 wanted persons, kabilang ang pitong most wanted person (MWPs) at 11 other wanted persons (OWPs) ang naaresto ng Quezon City Police District (QCPD), sa pamumuno ni Acting District Director Police Brigadier General Christopher Olazo, sa pinaigting na kampanya laban sa mga wanted person sa pamamagitan ng operasyon ng pag-aresto noong Setyembre 25, 2026.
Sinabi ng QCPD, kabilang sa mga naaresto matapos silbihan ng warrant of arrest (WOA) ng La Loma Police Station (PS 1), sa pamumuno ni Police Lieutenant Colonel Jose Luis Aguirre, ang no. 5 MWP na kinilala sa alyas na “Ron,” 56, residente ng Barangay San Jose, Quezon City. Isinagawa ang pag-aresto dakong alas-12:00 ng tanghali sa Quezon City Jail Dormitory.
Mayroon siyang nakabinbing WOA para sa kasong robbery (pagnanakaw) na inisyu ng Branch 222, Regional Trial Court (RTC), Quezon City. Lumabas din sa beripikasyon ang kanyang mga nakaraang kaso na kinasasangkutan ng robbery noong Marso 2022 at paglabag sa Republic Act (RA) No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act noong Agosto 2026.
Kaugnay nito, inaresto naman ng Masambong PS 2, sa pamumuno ni Police Major Geronimo Caparas III, ang no. 9 MWP na kinilala sa alyas na “Jojo,” 35, dakong alas-1:00 ng madaling-araw sa Brgy. Del Monte, Quezon City. Mayroon siyang nakabinbing WOA sa paglabag sa R.A. No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na inisyu ng Branch 305, RTC, Quezon City. Lumabas din sa beripikasyon na ang akusado ay may nakaraang rekord para sa parehong paglabag noong Pebrero 2026.
Samantala, isinilbi naman ng Fairview PS 5, sa pamumuno ni PLt. Col. Albert Jefferson Relente, ang warrant of arrest (WOA) laban sa no. 10 MWP na kinilala bilang si alyas “Jin,” 35-anyos at residente ng Brgy. Central, Quezon City, dakong alas-4:30 ng hapon sa Quezon City Jail Male Dormitory. May nakabinbin siyang WOA dahil sa paglabag sa R.A. No. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, na inisyu ng Branch 106, RTC, Quezon City.
Inaresto naman ng Kamuning PS 10, sa pamumuno ni PLt. Col. Aljun Belista, ang no. 5 MWP na kinilalang si alyas “Keron,” 23-anyos, dakong alas-8:00 ng umaga sa Brgy. Tatalon, Quezon City. May nakabinbin siyang WOA dahil sa paglabag sa R.A. 9165, na inisyu ng Branch 305, RTC, Quezon City.
Habang inaresto ng Project 6 PS 15, sa pamumuno ni PLt. Col. Bryan Angelito Pajarillo, ang no. 6 MWP na kinilalang si alyas “Ren,” 40-anyos, dakong alas-12:05 ng madaling-araw sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City. May nakabinbin siyang WOA dahil sa paglabag sa R.A. 9165, na inisyu ng Branch 81, RTC, Quezon City. Lumabas din sa beripikasyon na ang akusado ay may nakaraang rekord para sa parehong paglabag noong Mayo 2026.
Ang mga korte na naglabas ng mga warrant of arrest ay aabisuhan ng nararapat sa mga panghuhuli para sa tamang disposisyon.
“Ang resulta ng ating warrant operations ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng QCPD na matunton at maaresto ang mga wanted person. Dahil dito, patuloy nating paiigtingin ang ating mga operasyon upang mas marami pang wanted persons ang maharap sa tamang proseso ng batas,” sabi ni PBGen. Olazo.
(PAOLO SANTOS)
109 