PATULOY na isinusulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga reporma at suporta sa sektor ng edukasyon upang mas maraming batang Pilipino ang magkaroon ng kakayahang matuto, umunlad at makasabay sa pandaigdigang pamantayan.
Ito ang mensaheng ipinaabot ng Pangulo sa seremonya ng pagkilala sa PISA participating schools at educational partners sa Pasay City, katuwang ang Department of Education (DepEd) sa pangunguna ni Secretary Sonny Angara.
Iniulat na tumaas ng 20 puntos ang marka ng mga mag-aaral sa Reading, 17 puntos sa Science at 16 puntos sa Mathematics.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang pag-unlad na ito ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng mga guro, magulang, paaralan, lokal na pamahalaan, komunidad at iba pang education partners.
Binigyang-pansin din ng Pangulo ang mga programang nakatuon sa mga bata bago pa man sila pumasok sa paaralan, kabilang ang First 1,000 Days Program, child health and nutrition, early childhood care at feeding programs.
Sinisikap din ng pamahalaan na madagdagan ang mga guro at non-teaching personnel at mabigyan sila ng mas maraming oportunidad para sa career advancement.
Kasabay nito, nagtatala ang pamahalaan ng 10,000 school counselor associates upang makatulong sa paglikha ng mas ligtas at positibong kapaligiran sa mga paaralan.
Sa kabila ng mga hakbang na ito, kinilala ni Pangulong Marcos ang pangangailangang higit pang pagbutihin at palakasin ang sektor ng edukasyon upang makahabol ang Pilipinas sa ibang bansa sa rehiyon at sa buong mundo.
Upang makamit ito, hinimok ng Pangulo ang mga magulang at guro na patuloy na linangin ang curiosity ng mga kabataan at gabayan sila sa wastong paggamit ng teknolohiya.
Hinimok naman ang mga mag-aaral na maging mausisa, magtanong, tumingin sa iba’t ibang pananaw at manatiling bukas sa bagong kaalaman.
(CHRISTIAN DALE)
89 