NAPIPINTONG matanggalan ng scholarship ang mga estudyante ng Muntinlupa City na masasangkot sa prank calls sa alinmang emergency number sa nabanggit na lungsod.
Gayundin, maging ang sino mang pribadong indibidwal ay papatawan ng kaparusahan sa pagsasagawa ng prank call sa emergency hotlines sa Muntinlupa City makaraang maipasa ang Anti-Prank Callers Ordinance #41 series of 2020.
Ayon kay Mayor Jaime Fresnedi, ang emergency hotlines ay itinatag ng local government para mabilis na makaresponde sa mga emergency kaya hindi dapat nakatanggap ng “unnecessary calls” ano mang oras.
Sinabi ng alkalde, walang halong biro o pananakot lamang ang kanilang abiso dahil nakikipagtulungan sila sa National Bureau of Investigation (NBl), National Telecommunications Commission (NTC) at Philippine National Police (PNP) para suriin ang pagkakakilanlan ng prank callers.
Alinsunod sa ordinansa, ang lalabag ay magmumulta ng P5,000 o pagkakulong ng mula 30 araw hanggang 90 araw, ang pagsasampa ng kaso ay ibabase sa numero ng cellphone o landline telephone
Habang isasailalim ang mga menor de edad sa isang buong araw na seminar na ipatutupad ng Muntinlupa City Department of Disaster Resilience and Management (MCDDRM) para sa first offense, P300 multa sa walang scholarship, at P500 para sa kada bawat susunod na paglabag na babayaran ng mga magulang o kanilang guardian.
Noong Setyembre, inilunsad ng Muntinlupa City ang kanilang local Emergency Hotline “137-175” sa pagtatangkang maisaayos ang pag-uulat ng mga kaso ng emergency at mga insidente, kabilang ang quick response para sa emergency rescue cases na nangangailangan ng pagtugon ng pulisya, firefighter rescue services, traffic rescue services, at ambulance medical services. (DAVE MEDINA)
152 