UMABOT sa 19,051 sasakyang-pandagat ang namonitor ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sa pamamagitan ng Philippine Navy, sa mga karagatang binabantayan nito noong Oktubre 2026 bilang bahagi ng pagpapatibay sa seguridad pandagat at pangangalaga sa mga karapatan ng Pilipinas sa Exclusive Economic Zone (EEZ).
Batay sa ulat ng Philippine Navy, mula Oktubre 1 hanggang 31 ay namonitor ang 3,585 lokal at 15,466 dayuhang sasakyang-pandagat.
Sa kabuuang bilang, 14,054 ang tumugon sa radio challenges ng mga awtoridad habang 4,997 naman ang hindi sumagot.
Ayon sa Philippine Navy, mahalaga ang patuloy na pagmamanman at pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng radyo upang matukoy at masuri ang pagkakakilanlan at aktibidad ng mga sasakyang-pandagat na naglalayag sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Sa West Philippine Sea (WPS), nasa 80 sasakyang-pandagat ng People’s Liberation Army Navy (PLA-N) at China Coast Guard (CCG) ang namonitor sa apat na mahahalagang bahagi ng karagatan.
Kabilang dito ang 24 na sasakyang-pandagat sa Ayungin Shoal, na binubuo ng 13 PLA-N at 11 CCG; 41 sa Bajo de Masinloc, na kinabibilangan ng 11 PLA-N at 30 CCG; 11 sa Escoda Shoal, na may walong PLA-N at tatlong CCG; at apat sa mga Isla ng Pag-asa, na binubuo ng isang PLA-N at tatlong CCG.
Ayon sa ulat, nagpapakita ang presensiya ng mga naturang sasakyang-pandagat ng patuloy na aktibidad sa mga pinag-aagawang bahagi ng karagatan na nakaaapekto sa mga karapatan at hurisdiksyon ng Pilipinas.
Nagbabala rin ang Philippine Navy na nakadaragdag sa tensiyon sa rehiyon ang mga naturang aktibidad at nagpapatingkad sa pangangailangan ng patuloy na pagbabantay at pagsunod sa pandaigdigang batas.
Sa kabila nito, tiniyak ng AFP at Philippine Navy na magpapatuloy ang kanilang operasyon, pagmamanman, koordinasyon sa mga ahensya ng pamahalaan at pagpapalakas ng kakayahan upang pangalagaan ang soberanya at seguridad pandagat ng bansa.
(JESSE RUIZ)
95 