Hindi Lang Abo ang Dapat Nilang Panagutan

GEN Z ni LEA BAJASAN

BILANG isang fur parent, hindi ko maiwasang makaramdam ng matinding galit at lungkot sa nangyaring ito. Hindi biro ang mawalan ng alagang hayop, lalo na kung ilang taon mo na silang kasama at itinuring na bahagi ng pamilya. Alam natin kung gaano kasakit ang mawalan ng alaga. Kaya kung dumating man ang araw na kailangan na silang mamaalam, ang huling bagay na gugustuhin natin ay malaman na hindi man lang sila nabigyan ng maayos na pagtrato pagkatapos nilang mamatay.

Kaya naman nakadudurog ng puso ang pagkakatuklas sa 29 na labi ng mga aso at pusa na nakalagay sa mga plastic bag at itinapon sa isang bakanteng lote sa Barangay Minuyan Proper, San Jose del Monte City, Bulacan. Kabilang dito ang 26 na aso at tatlong pusa. May pangalan at timbang pa ang ilan sa mga ito. Ayon sa mga ulat, may mga fur parent na nagsabing ipinagkatiwala nila ang kanilang mga alaga sa Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium sa Bacoor, Cavite, upang mabigyan ang mga ito ng maayos na huling paalam. Dahil sa mga reklamo, iniutos ng lokal na pamahalaan ng Bacoor ang pansamantalang pagsasara ng establisimyento habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Hindi ko maiwasang isipin kung ano ang nararamdaman ng mga taong nawalan ng kanilang mga alaga at nagtiwalang maayos na maaasikaso ang kanilang mga labi. Isipin mo, naglaan ka ng pera para sa cremation dahil gusto mong magkaroon ng maayos na huling pamamaalam sa isang alagang minahal mo nang maraming taon. Ipinagkatiwala mo sa kanila ang katawan ng iyong fur baby, umuwi kang may dalang urn at paniniwalang nasa loob nito ang abo ng iyong alaga. Tapos bigla mong malalaman ang ganitong balita.

Paano mo tatanggapin iyon?

Mas masakit isipin na hindi lamang pagkawala ang posibleng kinahaharap ng mga fur parent na ito, kundi pati ang pagdududa kung totoo ba ang serbisyong ibinigay sa kanila.

Bilang isang taong may alaga rin, hindi ko gugustuhing maranasan iyon. Sapat nang masakit ang mawalan ng bahagi ng pamilya. Hindi na dapat dagdagan pa ng panloloko at kawalan ng malasakit.

At ito ang mas nakababahala: Paano kung hindi lamang ang 29 na alagang hayop na ito ang naging biktima? May mga ulat tungkol sa naunang pagkakatuklas sa 14 na patay na aso sa parehong lugar noong Mayo. Kailangan pang matukoy kung may kaugnayan ito sa parehong crematorium, ngunit hindi ba dapat mas lalo itong pagtuunan ng pansin?

Paano kung matagal na itong nangyayari? Ilang pamilya na kaya ang maaaring nakaranas ng ganito nang hindi nila nalalaman? Wala akong ibang maipagdarasal kundi sana malaman din ng mga dating kliyente kung ano talaga ang nangyari sa kanilang mga alaga.

Lalo pang nag-aalala ang mga fur parent ngayon tungkol sa mga urn na natanggap nila.

Totoo bang abo ng kanilang alaga ang laman ng mga iyon? Hindi pa natin maaaring sabihing peke ang lahat ng abo na naibalik sa mga kliyente dahil kailangan pa itong patunayan. Maging ang National Bureau of Investigation ay nagsabing kabilang sa kanilang pagsusuri kung maaaring maiugnay ang mga natagpuang labi sa mga alagang ipinagkatiwala sa pasilidad at kung mapatutunayan ang pinagmulan ng mga abong ibinalik sa mga may-ari.

Para sa akin, hindi dapat sa isang establisimyento lamang nakatuon ang pansin. Dapat ding suriin ng mga kinauukulan ang iba pang pet crematorium upang matiyak na maayos at tapat ang kanilang mga serbisyo. Hindi natin kailangang pagbintangan ang lahat, ngunit hindi rin natin dapat hintaying magkaroon ulit ng ganitong insidente bago kumilos.

Hindi naman sobra ang hinihingi ng mga fur parent. Gusto lamang nilang mabigyan ng maayos na huling pamamaalam ang mga alagang minahal nila. Kung mapatutunayang may nanloko at nagpabaya, dapat silang managot.

Dahil para sa amin na may mga alagang itinuturing na pamilya, hindi lang basta abo ang ipinagkakatiwala namin sa mga negosyong ito. Ipinagkakatiwala namin ang mga labi ng mga nilalang na minahal namin. At ang tiwalang iyon ay hindi dapat gawing pagkakakitaan, lalo na sa panahong ang tanging gusto lang namin ay makapagpaalam nang maayos.

22

Related posts

Leave a Comment