NABUKING sa CCTV ang umano’y modus ng isang lalaki na muling nagtangkang mambudol sa tindahan sa Sta. Rosa, Laguna nitong Undas, ngunit nauwi ito sa pagkakaaresto matapos siyang sapakin ng mister ng tindera.
Ayon sa may-ari, ikalawang beses na silang nabiktima ng suspek na nakilala nila dahil sa suot nitong damit noong una siyang mangbudol.
Sa kuha ng CCTV, makikitang bumili ang lalaki ng isang pirasong gulay at nagkunwaring magbabayad gamit ang isang libong pisong papel.
Ngunit nang aabutin na ang bayad, bigla niya itong binawi at nagtanong tungkol sa iba pang paninda habang isinisilid sa bulsa ang hawak na pera.
Humingi ito ng sukli habang abala ang tindera sa pag-aasikaso sa ibang mamimili ngunit napansin na pala ng mister ng tindera ang ginagawa ng suspek at agad itong sinapak.
“Yung 1k na bayad niya pinakita lang, pero hindi niya ibinayad, ibinulsa niya tapos makulit humingi ng sukli, wala naman binabayad. Sabi nga, dami na na-scam ‘yan. ‘Yung tindahan ng leche plan sa tapat namin na scam din niyan, hindi na naawa sa mga naghahanapbuhay,” ayon pa sa may-ari ng tindahan.
Agad namang nagresponde ang mga barangay tanod at pulis na umaresto sa lalaki na umano ay residente ng Barangay Marinig, Cabuyao City, ngayon ay nakakulong at nahaharap sa iba’t ibang kaso dahil sa iba pa nitong nabiktima.
(NILOU DEL CARMEN)
59 