2 BARANGAY HALL SA MAYNILA GINIBA

TINAWAG na benggador ng mga tagasuporta ni incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang administrasyon nina Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna matapos gibain ang dalawang barangay hall sa lungsod.

Kinondena nina Chairman Aileen Rosales ng Brgy 367, Zone 37 at Chairman Joey Uy Jamisola ng Brgy 306, Zone 30 kapwa sa Distrito 3 ang ginawang paggiba ng demolition team ng Manila City Hall sa kanilang mga barangay hall.

Hindi umano makatwiran na gamitan ng maso at pala ang mga nakatayong barangay hall dahil ito ang nagsisilbing tanggapan ng mga constituent na nangangailangan ng tulong at gabay.
Magugunitang noong nakalipas na linggo, nagpalabas ng notice of demolition ang engineering office ng city hall na nag-aatas na bakantehin ito sa loob ng 5-araw dahil sagabal ito sa trapiko at pedestrians.

Kilalang mga tagasuporta ni Marcos sina Rosales at Jamisola matapos silang tumakbo bilang mga konsehal noong eleksyon sa ilalim ng UniTeam.

Duda nina Chairman Rosales at Jamisola na pinagdiskitahan sila matapos magsampa ng electoral protest si Atty. Alex Lopez laban kay Lacuna.

Kinuwestiyon ng dalawang kapitan kung bakit ngayon lang nasilip na sagabal ang kanilang barangay hall gayung halos dalawang dekada na itong nakatayo at napakikinabangan. (JULIET PACOT)

259

Related posts

Leave a Comment