2 BATANG ANGKAS SA MOTORSIKLO SUGATAN SA JEEP

motor

CAVITE – Kapwa nilalapatan ng lunas sa ospital ang dalawang batang angkas nang bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang tumigil na pampasaherong jeepney sa bayan ng General Mariano Alvarez (GMA) sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng hapon.

Isinugod sa CARSIGMA Hospital ang magkapatid na sina Marcus Gabriel Briones, 3, at Ram Gabriel Briones, 2, dahil sa mga sugat sa katawan.

Napag-alaman, nakasakay ang mga biktima sa isang motorsiklong nakarehistro sa Brgy. Elises, GMA at minamaneho ng isang Orlando Navarro, isang Bantay Bayan, ng B19, Rolling Hills, Brgy. Elises, GMA, Cavite.

Kinilala naman ang driver ng isang pampasaherong jeepney na si Alvin Costales Orense, ng Brgy. Pulido, GMA, Cavite.

Ayon sa ulat ni P/MSgt. Roy Poblete ng GMA Police Station, kapwa binabagtas ng dalawang sasakyan ang kahabaan ng Congressional Avenue galing sa Brgy. Lumbreras patungo sa direksyon ng Brgy. Maderan, GMA, kung saan nauna ang minamanehong jeepney ni Orense at kasunuran si Navarro dakong alas-3:45 ng hapon.

Subalit pagsapit sa nasabing lugar nang tumigil ang minamanehong jeepney ni Orense para umano pagbigyan ang isang sasakyan habang hindi naman nakontrol ni Navarro ang kanyang motorsiklo at bumangga sa puwitang bahagi ng jeepney dahilan ng pagkakasugat ng dalawang angkas nitong menor de edad. (SIGFRED ADSUARA)

280

Related posts

Leave a Comment