DALAWANG babaeng hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang nabuslo sa kulungan ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Manila Police District-Barbosa Police Station 14 ,sa ikinasang buy-bust operation at nakumpiska ang tinatayang P4 milyong halaga ng umano’y shabu sa Quiapo, Manila noong Huwebes ng hapon
Kinilala ang mga suspek na sina Monera Malido y Taug, at Jalila Banggolo y Ayob, kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 Comprehensive Drugs act of 2002.
Base sa ulat na isinumite ni Police Major Gil John Lobaton, hepe ng SDEU ng Station 14, kay Police Brigadier General Andre Perez Dizon, District Director, bandang alas-3:30 ng hapon nang isagawa ang buy-bust operation sa A. Bautista St. malapit sa panulukan ng R. Hidalgo St., Barangay 383 sa Quiapo, Manila na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang 17 bulto ng umano’y shabu na tumitimbang ng 670 gramo at P4,556,000 ang street value.
Ang nasabing operasyon ay bahagi ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) ng pulisya. (RENE CRISOSTOMO)
