2 ‘BUGAW’ NG MINORS TIMBOG SA TARLAC

BINITBIT ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang indibidwal na responsable sa umano’y pambubugaw ng mga menor de edad sa KTV bar sa Concepcion, Tarlac.

Base sa ulat ng National Bureau of Investigation – Human Trafficking Division (NBI-HTRAD), inaresto sina Josie Hipolito Quilantang alyas “Mommy Sandra”, at Angelita Quilantang Mallari alyas “Ate Angie”, nahaharap sa kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022, Qualified Trafficking, at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Napag-alaman, ipinagbigay-alam ng Social Service Department, Sagip Center ng Muntinlupa, ang kaso kaugnay sa isang ina na humihingi ng tulong upang mahanap ang kanyang 15-anyos na anak na dalagita na umano’y na-recruit bilang sex worker sa KTV Bar na Black Bar Grill na matatagpuan sa Concepcion, Tarlac.

Ayon pa sa NBI, ipinaalam ng kaibigan ng biktima sa ginang na sila ay magkatrabaho at sila ay inaalok ni “Mommy Sandra” sa mga kostumer kapalit ng serbisyong sekswal.

Noong Pebrero 27, 2024 naman nang bumalik sa kanilang bahay ang biktima at agad na nagtungo sa tanggapan ng NBI-HTRAD kasama ng kanyang ina at social worker mula sa Sagip Center Muntinlupa, upang i-report ang ilegal na aktibidad na isinasagawa ng mga operator ng bar.

Ayon sa biktima, sumama ito sa kanyang kaibigan na magtrabaho sa bar at kinumpirma na inaalok sila sa mga kostumer kapalit ng pera. Sinabi rin ng biktima na karamihan sa kanyang mga katrabaho ay mga menor de edad.

Bunsod nito, nagkasa ng entrapment operation ng mga operatiba ng NBI-HTRAD, NBI-Cybercrime Division (NBI-CCD), NBI-Violence Against Women and Children (NBI-VAWCD), Sagip Center ng Muntinlupa, DOJ-NBI-CTIPMC, sa tulong ng Exodus Road PH, laban sa owners/operators ng bar.

Dito inaresto sina Mallari na manager ng bar na nahuli sa akto na nag-aalok ng menor de edad na kababaihan para sa sexual services.

Sa follow-up operation, naaresto naman si Quilantang na positibong kinilala ng mga biktima na may-ari ng bar at nangangasiwa sa kanila para sa layuning sexual exploitation.

Nasagip naman ng mga operatiba ang walong trafficking victims kabilang ang lima na pawang mga menor de edad.

(RENE CRISOSTOMO)

254

Related posts

Leave a Comment