DALAWANG lalaki ang inaresto dahil sa kasong paglabag sa ipinatutupad na Comelec gun ban makaraang makumpiskahan ng baril habang gumagala sa Malabon City.
Mahaharap ang mga suspek na sina alyas “Henry”, 51, at alyas “Mike”, 43, kapwa residente ng Brgy. Tonsuya, sa kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) in Relation to B.P. 881, (Omnibus Election Code) at RA 9516 (Illegal possession of explosive).
Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Malabon City Police chief, P/Col. Jay Baybayan hinggil sa dalawang lalaki na kapwa armado umano ng baril habang gumagala sa A. Roque St., Brgy. Tonsuya dakong alas-3:00 ng madaling araw.
Kaagad namang nagresponde ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) at inaresto ang mga suspek na nakumpiskahan ng dalawang .38 revolver na kargado ng walong bala, at isang granada.
Sa Valenzuela City, nahuli rin ang 21-anyos na machine operator na matagal nang pinaghahanap sa kasong statutory rape, sa isinagawang manhunt operation sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela City Police chief, P/Col. Nixon Cayaban, nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan sa Brgy. Paso De Blas ang suspek na nakatala bilang no. 3 top most wanted person sa lungsod.
Ang akusado ay binitbit ng mga tauhan ng WSS sa bisa ng warrant of arrest para sa dalawang bilang ng statutory rape under Article 266-A, Paragraph 1(d) ng Revised Penal Code, as amended by R.A. 11648, na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 283, Valenzuela City, noong Oktubre 23, 2024.
(MARDE INFANTE)
