ARESTADO ang dalawang mataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) sa loob ng pamamahay ng isang bokal nitong Sabado, ika-26 ng Disyembre.
Sa ulat ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), ang dalawang rebeldeng NPA na sina Ruel Custodio (alias Baste), ang tumatayong Finance Officer ng grupo at Ruben Istokado (alias Oyo/Miles), nagsisilbi namang political adviser ay inaresto sa bisa ng isang warrant of arrest sa loob ng pamamahay ni Rhodora ‘Dhoray’ Tan, isang halal na miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng probinsya ng Quezon at kilalang kaalyado ni Quezon Province Governor Danilo Suarez.
Sa nasabing operasyon, natuklasan ng mga otoridad ang dalawang hand grenades, isang Bersa Thunder caliber 38 pistol na naglalaman ng labintatlong bala, isang caliber 45 pistol na naglalaman ng isang magazine na may anim na bala at isang Jericho caliber 9mm pistol na may dalawang magazine at ilan pang mga bala. Ang mga nakumpiskang armas ay kaagad namang isinuko sa Atimonan Municipal Police Station (MPC).
Bago pa ang pag-aresto, una nang nasangkot si Alias Baste sa pangingikil ng ‘revolutionary tax’ sa probinsya. Noong Hulyo 2019, siya ay naharap sa kasong kidnapping at sinundan pa ng kasong illegal possession of firearms noong Nobyembre 2019.
Samantala, nasangkot naman si Alias Oyo/Miles sa mga gawaing subersibo at nasampahan na ng mga kasong double murder at multiple murder noong buwan ng Setyembre 2014.
Kamakailan lang, inaprubahan ng Anti-Terrorism Council (ATC) sa pamamagitan ng paglagda ni Executive Secretary Salvador Medialdea bilang pinuno, ang Resolution no. 12 na pormal na nagtuturing sa Communist Party of the Philippines (CPP) at ang hukbong sandatahan nito, sa New People’s Army (NPA), bilang grupong terorista sa bansa. Ito’y alinsunod sa Section 4 ng Anti-Terrorism Act.
Dahil dito, lahat ng mga ari-arian ng nabanggit na grupo ay maaring kumpiskahin at ipasara ng Anti-Money Laundering Council (AMLAC), batay sa Section II ng Republic Act No. 10168 o ang Terrorism Financing Prevention and Suppression Act. (ABBY MENDOZA)
