QUEZON – Patay ang dalawang lalaki habang sugatan ang lima pa sa karambola ng tatlong motorsiklo sa bayan ng Sariaya sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.
Isa sa mga nasawi ay isang menor de edad na si Mico Paulo Javier, 16, na siyang nagmamaneho sa isa sa mga motorsiklo, habang angkas ang isa pang menor de edad na si Joshua Villegas Victoria, 16, na nasugatan din sa insidente.
Nasawi rin ang nagmamaneho sa nakabanggaang motorsiklo na si Joseph Peñana, 25, at sugatan din ang angkas nito na si Mark Bryan Bico, 24.
Batay sa report ng Sariaya police, magkasalubong ang dalawang motorsiklo nang magsalpukan sa national road sa Barangay Lutucan Malabag dakong alas-9:00 ng gabi.
Dahil sa salpukan, natumba ang motorsiklo ni Peñana at nabangga pa ng kasunod na motorsiklo na minamaneho naman ni Mark Anthony Tolentino Umali.
Dead on the spot si Peñana habang nasawi naman bago mairating sa ospital si Javier.
Isinugod naman sa iba’t ibang ospital ang mga sugatan kabilang ang driver ng ikatlong motorsiklo, ang dalawang backrider nito na sina Eduel Mayuga Peria, 21, at Cris Mark Amparo Formalejo, 26. (NILOU DEL CARMEN)
145 